(NI ABBY MENDOZA)
KUMBINSIDO ang ilang mambabatas na mas malaki na ang pagkakataon na maisabatas ang death penalty sa 18th Congress matapos na rin tukuyin ni Pangulong Rodrigo Duterte na isa ito sa kanyang priority bago matapos ang kanyang termino at maliban sa pagpataw ng parusang kamatayan sa illegal drugs ay nais nitong maisama ang plunder.
Inamin ni Senador Grace Poe na mas malaki ngayon ang pag-asa na makalusot sa Senado ang death penalty, subalit para sa senador ay dapat tingnan at pag-aralan muna ito nang mabuti lalo at ang apektado dito ay karamihan ay mahihirap.
“Siguro tingnan na muna ang sistema ng hudikatura, ayusin ang korte, kasama na rito ang sahod ng mga judges, prosecutors at mga investigators bago natin masabi na magka-death penalty or else baka mas maraming maging biktima lang,”paliwanag ni Poe.
Sa kabuuan, sinabi ni Poe na masaya siya sa mga nabanggit ng Pangulo lalo ang mga priority measures nito na nagsusulong ng pagtatag ng Deparment of OFW, Department for Disaster Resilience, ang pag-atas sa Local Government Units na tulong na maresolba ang traffic at ang pagpapabilis sa pag-isyu ng mga permits.
Inamin ni Poe na bagama’t detalyado naman ang naging pagpapaliwanag ng Pangulo sa isyu ng West Philippine Sea subalit kung siya ang tatanungin ay mas dapat na mas malinaw na maipahayag ng bansa ang protesta nito sa China.
Samantala, sinabi ni PBA Partylist Rep Jericho Nograles na ire-refile sa Kamara ang death penalty at kanila nang isasama ang plunder.
“Naipasa na sa Kamara ang death penalty pero natambay lamang sa Senado, ngayon ay umaasa tayo na maisusulong na ito at kasama na ang plunder na dati ay wala sa orihinal na naipasa ng Kamara,”pahayag nito.
Binigyan naman ni Nograles ng grado na 9 si Pangulong Duterte.
“ 9 out of 10, hindi perfect because there’s a lot to be done. Ang mabuti sa ating Presidente ay hindi gumagawa ng kwento, consistent ang hinihingi nya sa Kongreso, consistent ang campaign promises niya noong 2016 na gusto niyang maideliver,” pahayag ni Nograles.
Sinabi ni Nograles na maraming tatrabahuhin ang Kamara kaya naman bibilisan ng mga mambabatas ang pagtalakay sa mga mahahalagang measures na isinusulong ng Pangulo, ani Nograles.
Ang unang hakbang ay mag-convene agad ang Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) para mabigyan ng timeline ang Kongreso kung ano ang mga batas na dapat unahin at dapat na maipasa sa 18th Congress.
182