(NI NOEL ABUEL)
INAMIN ni Senador Ronald ‘Bato’ Dela Rosa na ikokonsidera nito ang mga suhestiyon ng mga nahuling drug lords para maging matagumpay ang paglaban sa illegal drugs at pagbuhay sa parusang kamatayan sa bansa.
Ayon sa senador, mismong ang mga drug lords na nakakulong sa Bureau of Corrections (BuCor) ang nagsabing kung nais ng pamahalaan na matigil ang pagbaha ng illegal na droga sa bansa ay ipasa ang panukalang batas na bubuhay sa parusang kamatayan.
“Sa aking experience as director general ng BuCor, nakausap ko ang mga convicted drug lords, some of them were foreigners, isa-isa sila na nag-approach sa akin, pasimple lang silang nagsabi sa akin na sir para matapos ang drug problem sa Pilipinas kailangan meron kayong death penalty. Alam mo sir kaya namin gustong-gusto maghakot ng droga papasok dito sa Pilipinas ay dahil wala kayong death penalty,” sabi ni Bato.
“Ngayon kasi nakikita natin na kahit na gaano ka-intense ang ating war on drugs ay meron at meron pa rin nakapapasok na supply ng shabu sa ating bansa, malinaw lang na kaya hindi sila (drug syndicates) takot ay wala tayong parusang bitay” dagdag pa nito.
Sa kasalukuyan, sa datos ng BuCor ay nasa 160 convicted inmates sa National Bilibid Prison (NBP) na pawang sangkot sa pagbebenta at paggamit ng illegal drugs.
“We have at least 160 convicted incarcerated at the national prison at hindi tayo sigurado na huminto na sila sa negosyo, marami pa rin dyan ang dumidiskarte. Alam naman natin na noon ay ginamit nila ‘yang bilibid bilang kanilang operations center. Diyan nanggagaling ang decision making para sa pag-import at distribution, sila nagko-control. At kung meron na tayong death penalty, hindi na sila nakapagpapatuloy sa kanilang masamang gawain,” pag-amin pa ni Dela Rosa.
Paliwanag pa ng bagitong senador, firing squad ang dapat na maging hatol sa mga mapapatunayang sangkot sa pagpapakalat ng illegal na droga upang matakot na ang mga ito.
162