DEFENSOR HUMIRIT NG HDO VS PHILHEALTH TOP OFFICIALS

INAPRUBAHAN ng House committee on public accounts na pinamumunuan ni Anakalusugan party- list Rep. Mike Defensor ang mosyon na hilingin sa Department of Justice (DOJ) na maglabas ng Hold Departure Order (HDO) laban sa top officials ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng komite ni Defensor sa katiwalian sa naturang ahensya, sinabi ni Aklan Rep. Teoderico Haresco Jr., nanaginip umano ito ng mala-mafia na senaryo na
kinasasangkutan ng mga public servant subalit nang dumating ang “power rangers” ay nagtakbuhan ang mga ito.

Ang tinutukoy ni Haresco na power rangers ay ang grupo ni Defensor na nag-imbestiga sa paglabag ng ABS-CBN sa mga batas na naging dahilan kaya hindi ito binigyan ng panibagong prangkisa at siya ring grupo na nag-iimbestiga ngayon sa katiwalian sa PhilHealth.

Kasama sa power rangers sina Deputy Speakers Dan Eintien Fernandez, Rodante Marcoleta, Jesus Crispin “Boying” Remulla at Bulacan Rep. Jonathan Sy-Alvardo.

Nang linawin ni Defensor kung ang mga tinutukoy ni Haresco na top officials sa PhilHealth na nais nitong isailalim sa HDO ay kinabibilangan ng mga executive committee (Execom) at mga Regional Vice President ay inayunan ito ng Aklan solon.

“The motion is to direct the DOJ to study the imposition of hold departure order on all regional and executive committee officers of the PhilHealth,” ani Defensor na inayunan ni Fernandez.

Dahil walang tumutol ay inaprubahan ni Defensor ang mosyon ni Haresco kaya magpapadala ang mga ito ng sulat sa DOJ para hingin ang opinyon ng tanggapan ni Secretary Menardo Guevarra.
(BERNARD TAGUINOD)

174

Related posts

Leave a Comment