(NI BERNARD TAGUINOD)
DAHIL mas mapanganib na magkaroon muli ng virus ang mga tinamaan sa kasalukuyan, kailangan nang mabakunahan ang mga ito ng Dengvaxia sa lalong madaling panahon.
Ito ang iginiit ni Iloilo Rep. Janette Garin kung nais umano ng gobyerno na mailigtas ang buhay ng mga ito dahil hindi imposibleng magkaroon muli ang mga biktima ng dengue kapag walang proteksyon.
“Sa second infection kasi, fatal na kaya kailangan silang bakuhanan na for their protection. Kung hindi wala kang magawa kundi magdasal na lang,” pahayag ni Garin.
Dahil dito, muling umapela ang mambabatas sa Department of Health (DoH) na payagan na ang mga private doctors na gamitin ang dengvaxia lalo sa kanilang mga pasyente na hihingi nito.
DENGUE OUTBREAK SAMPAL KAY PAO CHIEF ACOSTA
Kasabay nito, sinabi ni Garin na sampal umano kay Public Attorney’s Office (PAO) Chief Persida Acosta ang paglaganap ng dengue kaya ngayon ay muling nag-iingay ito laban sa mungkahing ipagamit muli ang dengvaxia vaccine.
“Sampal sa kanya (Acosta) ang dengue outbreak,” ani Garin dahil muling tinututulan ng PAO ang suhestiyong na gamitin muli ang dengvaxia.
Pinanindigan ni Garin na hindi ang dengvaxia ang dahilan ng pagkamatay ng may 142 sa mahigit 800,000 na naturukan ng nasabing bakuna dahil kung hindi ay hindi umano ito gagamitin sa 21 bansa na kasabay ng Pilipinas na gumamit dito.
Gayunpaman, hindi masisisi ni Garin ang muling pag-iingay umano ni Acosta laban sa dengvaxia dahil napapahiya umano ito at pinaninidigan na lamang nito ang kanyang pagkakamali sa nasabing bakuna.
“Siya ang sinisisi at napapahiya na siya kaya nagko-cover na siya ng mukha,” ani Garin.
109