(NI BERNARD TAGUINOD)
INAPRUBAHAN na sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pagbuo ng Department of Water and Resources (DWR) na mangangasiwa sa usapin ng tubig sa buong bansa, hindi lamang para matiyak na may sapat na maiinom at patubig sa mga pananim.
Sa mosyon ni Baguio City Rep. Mark Go, lumusot sa committee level sa Joint hearing ng House committee on public works at committee on government reorganization ang consolidated bill mula sa 35 panukala para magtayo ng nasabing departamento.
Base sa nasabing panukala, lahat ng mga attached agencies ng iba’t ibang departamento na may kinalaman sa tubig ay pag-iisahin na lang sa ilalim ng DWR tulad ng Manila Bay Coordinating Office ng Department of Environment and Natural Resources(DENR) at flood management planning and sediment functions ng Department of Public Works and Highways (DILG).
Maging water and supply and sanitation unit ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at Water and Quality Management Section ng Environmental Management at River Basin Control Office ay isasailalim na sa DWR.
Magiging attached agency naman ng DWR ang Metro Manila Waterworks Sewerage System (MWSS), Local Water Utilities Administration (LWUA), Laguna Lake Development Authority (LLDA) Pasig River Rehabilitation Commission (PRC),at National Irrigation Administration (NIA).
Ang nasabing panukala ay isa sa mga panukalang batas na hiniling ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso upang matiyak na may sapat na supply ng tubig sa bansa sa hinaharap.
Pangunahing trabaho ng ahensya ng pamumunuan ng isang secretary at 5 undesecretary na bumuo ng plano, magtayo ng mga imprastraktura at pangalagaan ang lahat ng ilog upang hindi maubusan ng supply lalo na sa panahon ng tag-init.
Inaasahan naman ni Albay Rep. Joey Salceda na tuluyang mapagtibay ang nasabing panukala bago matapos ang taon.
209