(NI BERNARD TAGUINOD )
PRAYORIDAD sa susunod na Kongreso ang pagtatayo ng Department of Water matapos ang nararanasang krisis sa tubig dahil sa pagkakatuyo ng Angat dam na pangunahing pinanggagalingan ng supply ng Metro Manila.
Ito ang paniniwala ni out-going House Speaker Gloria Macapagal Arroyo kaya inaasahan na muling ihahain ang House Bill (HB) 8723 na iniakda ni Quirino Rep. Dakila Carlo Cua, para itayo ang Department of Water, Irrigation, Sewage, Flood Control, and Sanitation Resource Management”.
“Well that’s the advocacy already of the next (Congress),” ani Arroyo at ito rin umano ang adbokasiya ni Local Water Utility Administration (LWUA) Administrator Jeci Lapuz kaya magpapatawag umano ito ng oversight hearing para rito.
Sa ngayon ay may kanya-kanyang papel ang iba’t ibang ahensya sa gobyerno sa usapin ng tubig kaya nais ni Cua na pag-isahin na lamang ang mga ito para isang ahensya na lang ang magtatrabaho.
Kung maging batas ang nasabing panukala, lahat ng mga water related functions ng Department of Public Works and Highway (DPWH), National Irrigation Administration (NIA), National Water Resources Board (NWRB), Local Water Utilities Administration (LWUA), Metro Manila Development Authoritu (MMDA) at Department of Interior and Local Government (DILG) ay ililipat na sa Department of Water.
Layon ng nasabing panukala na masiguro na magkaroon ng sapat na supply ng tubig, hindi lamang sa Metro Manila kundi sa lahat ng lalawigan sa bansa lalo na’t mahalaga ito sa mga tao araw-araw.
“We have some catching up to do when it comes to investment in water-related facilities. We need continuous investments until our capacity can sufficiently handle present and forthcoming requirements,” ani Cua sa kanyang panukala.
Sa ngayon ay tuluyang nanganib ang supply ng tubig sa Metro Manila matapos bumaba na sa critical level ang tubig sa Angat dam kaya nag-anunsyo na ang mga water concessionaires ng mga water interruption sa maraming lugar sa kalakhang Maynila at mga karatig lalawigan.
282