(NI ABBY MENDOZA)
ISANG joint resolution ang nakatakdang ihain nina Bataan Rep. Geraldine Roman at Gabriela Rep. France Brosas kaugnay sa insidente ng pagmamaltrato, pagposas at pagparada pa na parang kriminal sa transgender woman na si Gretchen Custodio Diez na hindi pinapasok sa pambabaeng comfort room sa Farmers Plaza, Quezon City.
Ayon kay Brosas malinaw na discrimination at harassment ang sinapit ni Diez lalo at hindi naman kailangan na posasan pa ito dahil wala naman syang naging kasalanan.
Aminado si Brosas na walang anti discrimination law dahil hindi pa rin pumasa ang Sexual Orientation and Gender Identity and Expression(SOGIE) Bill na nagbibigay proteksyon sa mga LGBT subalit ginagantiya sa Konstitusyon ang karapatan ng bawat isa na tratuhin ng tama at may dignidad at ito umano ang nalabag kay Diez.
Idinepensa ni Roman na ang kanilang kahilingan na magkaroon ng House Inquiry in Aid of Legislation ay dahil na rin sa may pangangailangan na mabigyan na ng tulong ang LGBT community laban sa diskriminasyon, hindi umano ang kaso ni Diez ang unang pagkakataon na nagkaroon ng ganitong pagtrato sa mga transgender dahil nangyari na din ito sa komedyanteng transgender na si Kaladkarin na hindi pinapasok sa isang bar dahil sa cross dressing at marami pang insidente na hindi naisasapubliko.
Sinabi pa ni Roman na makatutulong din ang gagawing imbestigasyon para mabuksan ang isipan ng publiko laban sa ganitong insidente gayundin ay magsisilbing eye openeer sa mga Local Government Units(LGUs) na may pangangailangan nang magpatupad ng ordinansa laban sa diskriminasyon.
Samantala tiniyak ni Roman na kanilang isusulong ang pagpasa ng SOGIE bill ngayong 18th Congress. Ang nasabing panukala ay naiakyat na sa Senado subalit hindi ito napagbotohan. Kumpiyansa ang mambabatas na maisasabatas ang SOGIE bill dahil na rin sa komposisyon ngayon ng Kongreso na marami ang mga millennials na mas bukas ang isipan.
Sa mga kritiko umano ng SOGIE bill, sinabi ni Roman na ang mga insidente ng gaya ng kaso ni Diez ang sya lamang nais na maproteksyunan sa kanilang isinusulong na panukala at hindi ito nagsusulong ng same sex marriage.
170