KUMUHA na ng swab samples ang PNP-Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa mga nagkalasog-lasog na katawan ng sinasabing ‘suicide bomber’ para isailalim sa DNA testing.
Gayong mahigpit na naniniwala ang militar at pulisya na ang Ajang-Ajang group sa ilalim ng Abu Sayyaf ang nasa likod ng pagsabog sa Jolo cathedral, isasagwa pa rin ang DNA testing para matukoy ang pagkakakilanlan ng nakitang gutay-gutay na katawan sa blast site.
Sinabi ni Banac, matutukoy lamang kung anong nationality sa sandaling matapos na ang gagawing pag-examine ng kanilang mga eksperto sa PNP Crime Laboratory.
Ilang report ang lumabas na Yemeni couple ang nag-iwan ng bomba habang ang isa ay nagsilbing suicide bomber sa pagsabog na kumitil sa 21 buhay at nakasugat ng halos daan katao noong Linggo ng umaga sa loob ng Mt. Carmel Cathedral.
Tinututukan ngayon ang anggulong walang nakitang crater at pag-angat ang nangyaring pagsabog kaya may posibilidad na gawa ng suicide bomber ang krimen.
Sa panig naman ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ipinauubaya na nila sa PNP-SOCO at Crime Lab ang gagawing eksaminasyon ukol sa mga nakitang gula-gulanit na katawan ng tao dahil walang kakayahan ang militar para tukuyin kung sino at anong nationality ang sabog-sabog na katawan.
Una nang sinabi ni Defense Sec. Delfin Lorenzana na may nakitang kalahating mukha ng tao na hawak ngayon ng PNP SOCO na isasailalim sa DNA testing para matukoy kung sino at kung ito ba ay isang banyaga na siyang suicide bomber.
240