DOH, DEPED, CHED KINALAMPAG LABAN SA HIV CASES 

hiv12

(NI NOEL ABUEL)

PINAKIKILOS ng isang senador ang Department of Health (DOH), Department of Education (DepEd), at Commission on Higher Education (CHEd) para palakasin ang mga programa laban sa Human Immunodeficiency Virus (HIV) kaugnay ng dumaraming bilang ng kaso nito sa bansa.

Panawagan ni Senador Win Gatchalian nababahala ito sa dumaraming bilang ng mga Filipinong nagkakasakit ng HIV kung saan sa huling bahagi ng 2019 ay nakapagtala ng 36 na kaso kada araw ang Epidemiology Bureau ng DOH.

Ito ay mas mataas aniya sa 35 kasong naitala noong Hulyo 2019 at 32 kasong naitala kada araw noong 2018.

Ayon naman sa isang ulat ng Joint United Nations Program on HIV and AIDS (UNAIDS), sa 77,000 Filipinong may HIV, 19,000 rito ay may edad na 15-anyos hanggang 24-anyos.

Idinagdag pa ng UNAIDS, pinakamabilis kumalat ang HIV sa Pilipinas kung ihahambing sa ibang bansa kung saan mula 2010 hanggang 2018, umakyat ng 203 porsiyento ang bilang ng mga bagong kaso ng HIV sa bansa.

Katumbas umano nito ang 4,400 bagong kaso na umakyat sa 13,000.

Sa mga bagong kasong naitala, mahigit 81 porsiyento ay mula sa mga lalaking nakikipagtalik sa kapwa lalaki habang 27.9 porsiyento lamang sa mga ito ang sakop ng prevention program, samantalang mayroong 49.8 porsiyento naman ang gumagamit ng condom bilang proteksyon.

“Isa sa mga ugat ng sitwasyong kinakaharap natin ngayon ay ang kakulangan ng sapat na impormasyon na maaari sana nating ipalaganap sa ating mga paaralan. Nakakalungkot at nakakabahala na sa kabila ng mga pagsisikap natin, lalo pang dumami ang mga kababayan nating nagkakaroon ng HIV,” ayon kay Gatchalian, chair ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.

Isang posibleng solusyon dito ani Gatchalian ay ang sexuality education at dapat umanong bantayan ng mga ahensya ng pamahalaan ang mga social media at mga ‘dating apps’.

Lumalabas umano sa isang pag-aaral ng United Nations na sa pamamagitan ng mga ‘dating apps’ ay madaling makahanap ang mga kabataan ng mga taong maaari nilang makatalik.

Dagdag pa ng senador, mahalaga ang papel ng mga paaralan sa pagbibigay ng kaalaman at proteksyon sa mga kabataan at hindi sapat na ituro lamang sa mga kabataan ang mga solusyon, dapat din itong gawing abot-kaya para sa lahat.

 

190

Related posts

Leave a Comment