(NI JUN V. TRINIDAD)
NAGBABALA si Jose Maria “Joma” Sison, founder ng Communist Party of the Philippines (CPP), na parurusahan ng rebolusyunaryong kilusan ang sinumang opisyales ng pamahalaan, pulitiko at pribadong indibidwal na mapatutunayang may kinalaman o pakikisangkot sa mga sindikato ng iligal na droga.
“Sa pagkaalam ko, patakaran ng People’s Democratic Government at New People’s Army (NPA) na hulihin, litisin at parusahan ang mga drug lords at mga kasabwat nila sa militar, pulis at network of distribution,” ani Sison sa panayam mula sa Utrecht, Netherlands, araw ng Sabado.
Dagdag pa ni Sison: “Pero ang mga poor addicts pinapayuhan na itigil ang addiction at magpailalim sa rehabilitation sa supervision ng mga komunidad at kung meron mga lokal na organo ng kapangyarihan ng kilusang rebolusyonaryo”.
Ayon kay Sison, may mga reports na ang CPP-NPA sa mga nakaraang labas ng “Ang Bayan”, ang opisyal na pahayagan ng mga komunistang rebelde, tungkol sa mga naging desisyon ng “people’s court” laban sa ilang lider ng mga kriminal kabilang ang “drug lords”.
Subalit, inamin ni Sison na nahihirapan ang NPA na ipatupad ang anumang kaparusahan sa sinomang mapapatunayan na sangkot sa droga.
“Mas mailap at mas protektado ng armado ang mga drug lords, kung kaya madalang silang matyempuhan ng NPA. Ang guwardya ng mga drug lords ay hindi lamang pribado kundi pati police force na bayaran nila,” ang paliwanag ni Sison.
Binatikos naman ni Sison ang “narcolist” o listahan ng mga opisyales ng gubyerno na hinihinalang sangkot sa iligal na droga, na inilabas ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Huwebes.
“Kung may ebidensya laban sa mga nakalista sa narcolist, bakit hindi sila sinasampahan ng kaso (criminal) sa korte?” ani Sison.
Sa nasabing “narcolist” ay ibinulgar ni Duterte ang pangalan ng 46 na politiko sa iba’t ibang panig ng bansa kabilang ang 35 mayors, pitong vice mayors, isang board member at tatlong kongresista na umano’y pawang sangkot sa iligal na droga.
Agad na nagsampa ang Department of the Interior and Local Government sa Ombudsman ng kasong administratibo laban sa mga kasama sa narcolist.
Ngunit para kay Sison, hindi kumpleto ang inilabas na listahan ng mga hinihinalang sangkot sa droga dahil hindi nakalista ang ibang kilalang drug lords sa bansa kabilang ang mga matataas na pinuno ng gobyerno.
Inakusahan din ni Sison ang administrasyon ni Pangulong Duterte na gagamitin ang “narcolist” katulad ng “Red-list” ng mga militanteng grupo at progresibong indibidwal, upang siraan at dahasin ang mga tumututol at kritiko ng gubyerno kasama na rin ang layuning maimpluwensyahan ang darating na eleksyon.
163