(NI BETH JULIAN)
IBINUNYAG ni Pangulong Rodrigo Duterte na may mga bilyong pisong halaga pa ng shabu ang inaasahang makukumpiska ng mga awtoridad sa mga susunod na araw.
Aminado ang Pangulo na nangangamba ito na matulad ang Pilipinas sa Mexico na cartel na ang may kontrol sa gobyerno dahil nakapasok na rin sa bansa ang drug syndicate na Sinaloa kaya’t maraming cocaine na ang nakukumpiska na palutang-lutang sa dagat.
Gayunman, hindi umano siya papayag sa ganitong sistema kaya’t mahigpit niyang pinaaalerto ang mga ahensiyang may sakop dito upang maharang at makumpiska ang mga illegal na droga.
Sa talumpati nitong Sabado ng gabi sa campaign rally ng PDP-Laban sa Cagayan de Oro City, sinabi ng Pangulo na style lamang ng mga sindikato ng ilegal na droga ang magkahiwalay na nakumpiskang shabu na nagkakahalaga ng P1 bilyon at P1.3 bilyon sa Manila International Container Port (MICP) dahil nais lamang lituhin ang atensyon ng mga awtoridad.
Bunsod nito, mahigpit ang direktiba ni Duterte sa mga awtoridad na magng alerto at mapagbantay dahil may papasok pang malaking shipment ng ilegal na droga sa mga susunod na araw.
Ayon sa Pangulo, madaling naipupuslit ang ilegal na droga sa bansa dahil sa mahabang shoreline dahil may mahigit 7,000 isla mayroon ang Pilipinas.
168