DU30 ‘DI SUMUSUKO SA PEDERALISMO

duterte12

(NI BETH JULIAN)

NAIS lamang muna plantsahin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagkakaiba ng mga stakeholders hinggil sa usapin ng Charter Change bago ito muling ungkatin o talakayin.

Ito ang pagbibigay-linaw ng Malacanang kasunod na rin ng pahayag ni Duterte sa kanyang SONA na hindi iyon ang tamang panahon para pag-usapan ang Charter Change.

Gayundin ay binanggit ng Pangulo na hindi siya naniniwalang kayang maisulong ang Pederalismo sa natitira pang panahon ng kanyang termino.

Sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na kung tutuusin ay matagal nang tinatalakay ang isyu na pagpapalit ng Konstitusyon.

Ngunit ang problema ay hindi magkasundo ang maraming ‘legal minds’ hinggil dito.

Ang nais ng Pangulo ay mabuting magkausap muna ang mga stakeholders, plantsahin ang mga hindi pagkakasundo, itigil ang mga argumento at magkaisa kung paano ito ipatutupad.

Iginiit ni Panelo na hindi pa tuluyang isinusuko ng Pangulo ang Pederalismo, kundi ay naiisip lamang na hindi lamang ito reyalistikong maipapasa sa kanyang panahon.

Sinabi ito na papasok sa Pederalismo ang ChaCha kaya sa paniwala ng Pangulo, kung malabo ang ChaCha para sa mga mambabatas ay malabo rin umusad ang Pederalismo.

Iginiit din ni Panelo na hindi naman ang Pangulo ang nagpapasya sa isang panukalang batas kungdi mismong mga mambabatas.

Ayon kay Panelo, hindi naman porke maraming kaalyado sa Kongreso ang Pangulo ay maaari nang diktahan ang isip ng mga ito.

Binigyan diin pa ni Panelo na may kanya-kanyang desisyon ang mga mambabatas at si Pangulong Duterte lamang ang nagmungkahi pero nasa mga knogresista pa rin ang bola kung ipapasa ito o ibabasura.

319

Related posts

Leave a Comment