SA kanyang ikaapat na State of the Nation Address (SONA) sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na kailangan ang mga pagbabago sa pagbibigay ng serbisyo sa publiko sa limang ahensiya ng gobyerno.
Ayon sa Pangulo, ang Land Transportation Office (LTO) , Social Security System (SSS), Land Registration Authority (LRA), Bureau of Internal Revenue (BIR) at Home Development Mutual Fund (Pagibig), ay kabilang sa mga ahensiyang nakatatanggap ng napakaraming reklamo sa publiko.
Binalaan din ng Pangulo ang mga opisyal ng ahensiya na ayusin ang kanilang serbisyo o maharap sa hindi kanais-nais dahil sa kapabayaan.
Idinagdag ng Pangulo na tatlong taon na umano niyang sinasabi sa mga opisyal ng ahensiya na simplehan lang ng mga ito ang pagkuha ng mga kakailanganing dokumento o papeles.
“Simplehan lang, hindi na kailangang magtungo sa inyong tanggapan kung kaya naman gawin electronically.
Kapag hindi niyo pa nagawa ‘yan ngayon, papatayin ko talaga kayo. Nabubuwisit na ako,” banta pa ng Pangulo.
Ito umano ay sa kabila ng paglagda ng Pangulo ng Ease of Doing Business Act noong Marso 2018 upang pagaangin ang requirements ng kukuha at nang sa ganoon ay maiwasan ang katiwalian.
Sa ganitong sistema ay maiiwasan ang mahabang pila at paghihintay ng mga nangangailangan gayundin ang lagayan system na nangyayari ngayon sa mga naturang ahensiya.
172