DU30 ‘NILAGLAG’ NI DUQUE SA P47-BILLION DOH FUND

MISTULANG nilaglag ni dating Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque si former President Rodrigo Duterte sa P47.6 billion na pondong nakalaan sa COVID-19 supplies sa Procurement Service ng Department of Budget and Management (DBM).

Sa oversight committee hearing ng House committee on appropriations kahapon, inamin ni Duque na mismong si Duterte ang nag-utos sa kanila na ilipat ang nasabing pondo sa PS-DBM.

“Publicly this was made by the president in our weekly meet or talk to the people,” ani Duque nang tanungin ni House deputy minority leader France Castro kung bakit inilipat ang nasabing pondo sa PS-DBM.

“So clear po yun no. P47.6 billion transferred to PS-DBM publicly announced by former president Duterte na maitransfer yan,” ani Castro.

Ang nasabing isyu ay naging dahilan kaya kinasuhan ng Office of the Ombudsman sina Duque at dating PS-DBM Undersecretary Christopher Lao kasama ang 8 iba pa.

Dismayado ang mambabatas dahil sa kabila ng mahigit 100 Bids and Award Committee ng DOH ay ipinaubaya ng mga ito sa PS-DBM ang pagbili ng COVID-19 supplies na nabahiran ng katiwalian dahil sa pagpabor umano sa Pharmally na nakakuha ng pinakamalaking kontrata.

Sa nakaraang imbestigasyon ng Senado, umaabot umano sa P11 billion ang kontratang ibinigay sa Pharmally kahit walang kakayahan at karanasan ang mga ito sa pagsu-supply ng medical supplies bukod sa baguhan ito sa industriya at P625,000 lamang ang paid-up capital.

Lumalabas din na overpriced ang mga biniling medical supplies ng PS-DBM sa Pharmally kung saan ang isa sa mga itinuturong namuhunan sa kumpanya ay ang dating economic adviser ni Duterte na si Michael Yang. (BERNARD TAGUINOD)

55

Related posts

Leave a Comment