MAYOR GUO SINUSPINDE NG OMBUDSMAN

PINATAWAN ng Ombudsman ng anim na buwang preventive suspension si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo at dalawang iba.

Kasunod ito ng pagsasampa ng kasong graft ng Department of the Interior and Local Government (DILG) laban kay Guo kaugnay sa ulat na pagkakasangkot nito sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa kanyang lokalidad.

Sa katunayan, ayon kay DILG Undersecretary Juan Victor Llamas, ang graft charges ay isinampa ng DILG sa Office of the Ombudsman noong May 24 at nag-ugat mula sa pagpapalabas ng alkalde ng permit sa Hongsheng Gaming Technology Inc., sa kabila ng pagkabigo ng kompanya na kumpletuhin ang requirements at pagkakaroon ng expired license mula sa Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR).

Sinabi ni Llamas na may kapangyarihan si Guo na bawiin ang business permit ng Hongsheng.

Naniniwala ang DILG na maaaring patawan ng preventive suspension si Guo, kung saan ang nasyonalidad ay patuloy na kinukuwestiyon at ikinokonekta sa operasyon ng POGO.

Ito’y matapos salakayin ng mga awtoridad ang 10-ektarya na ino-operate ng Zun Yuan Technology Inc. noong Marso 13 at natuklasan ang ilang devices na pinaniniwalaang may kaugnayan sa POGO operations.

Samantala, mahigit 600 Pilipino at dayuhan ang nailigtas sa nasabing raid. (CHRISTIAN DALE)

61

Related posts

Leave a Comment