(NI HARVEY PEREZ)
BUO pa rin ang tiwala ni Pangulong Rodrigo Duterte sa panunungkulan ni Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat .
Ito ay matapos ang naging banat ng kanyang anak na si House Deputy Speaker at Presidential son Paolo Duterte hinggil sa ilang isyung bumabalot sa ahensya partikular sa istilo ng kanyang pamumuno.
“All praises, very warm. He (Duterte) is happy with the work of Sec. Berna so far. Alam naman natin na maganda naman ‘yung mga ginagawa ni Sec. Berna as far as tourism is concerned,” ani ni Cabinet Secretary Karlo Nograles.
Nanatili naman tahimik si Puyat sa mga naging pahayag sa kanya ng nakababatang Duterte.
Sinabi ni Nograles na wala siyang alam sa kahit na anumang reklamo laban kay Puyat dahil mabilis itong umaksiyon at masipag.
Bukod pa sa magaganda naman ang proyekto nito sa DOT.
Magugunita sa privilege speech ni Congressman Duterte na inihayag sa plenaryo, sinita nito ang pag-apruba ni Puyat sa mga kontrata at proyekto sa ilalim ng DOT na dapat sana’y kukuwestyunin niya sa budget deliberations noong Martes.
Nabatid na sa halip na mag-interpellate ay minabuti umano niyang kausapin na lang ang kalihim sa harap ni Speaker Alan Peter Cayetano gaya ng napagkasunduan sa pre-plenary conference.
Sinabi ng nakababatang Duterte, inakala niya na matatapos na ang isyu at magbubunga ng maganda ang usapan nila ni Puyat pero nauwi ito sa sumbungan at maling paratang laban sa kanya at sa isang taong hindi na pinangalanan. Gusto lamang umano ni Pulong na malaman ng publiko ang tunay na ugali ni Puyat.
143