(NI DAVE MEDINA)
NAGBABALA ang Department of Education (DepEd) sa kanilang mga kawani, guro at mga principal na papatawan sila ng administrative sanctions sa sandaling pumayag na mangampanya ang mga politiko sa kani-kanilang paaralan.
Kasunod nito ay ikinukunsidera ng DepEd ang pagbabawal sa mga kandidato sa 2019 midterm elections na ilagay sa balag ng alanganin ang kanilang teaching personnel sa pamamagitan ng pagsasalita sa seremonya ng graduation sa kanilang paaralan sa panahong sakop ng campaign period.
Ang babala ay ginawa ni Education Undersecretary Nepomuceno Malaluan matapos ang panawagan si Commission on Elections (COMELEC) spokesperson James Jimenez sa mga paaralan na huwag imbitahin ang mga kandidato sa kanilang graduation rites.
Sa panayam, sinabi ni Usec Malaluan na wala pang nakasaad na guidelines ng DepEd na nagbabawal sa mga kandidato na magsalita sa mga graduation ceremonies sa mga paaralan at gayundin sa pag-iimbita ng kanilang mga principal.
Tiniyak naman ni Usec Malaluan na bibigyan nila ng prayoridad at importansya na matalakay nila ang suhestiyon na ito ni Jimenez sa kanilang executive committee meeting ng Kagawaran.
Pero nilinaw ng opisyal na ang ipinagbabawal lamang sa kanilang patakaran ay ang paggamit bilang political forum o platform ng mga kandidato sa graduation rites
Kabilang sa kanilang mga itinuturing na pangangampanya ay ang pagsasagawa ng political caucus, conference, miting, rally, parada, at iba pang kaparehas na mga pagtitipon sa hangarin na makapag-solicit ng boto para sa isang partikular na kandidato, maging lokal o nasyunal na posisyon.
132