(NI NOEL ABUEL)
IKINAGALAK ng ilang senador ang desisyon ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na bigyan ng exemptions ang mga estudyante sa pagbabayad ng terminal fee sa 42 paliparan sa buong bansa.
Ayon kay Senador Grace Poe, malaking tulong sa mga mag-aaral ang desisyon ng CAAP maging sa kanilang mga magulang na makagagaan para sa budget ng mga ito.
“Makakaginhawa ito sa mga biyaherong estudyante. Para sa isang mag-aaral, malaking bagay ang matitipid na P100-P200. Makaeengganyo rin ito sa kanila para magbiyahe at bumisita sa iba’t ibang lugar sa bansa,” sabi ni Poe.
Idinagdag pa ni Poe, chair ng Senate Public Services Committee, umaasa ito na maayos na maipatutupad ang nasabing programa sa lalong madaling panahon.
“Hinihikayat natin ang mga mag-aaral na i-check ang kanilang mga tiket para masiguro na wala na sa charges ang terminal fee,” panawagan pa ni Poe.
Kaugnay nito, hiniling ng senador sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na igiit na ibalik sa mga ito ang maling pagkolekta sa kanilang terminal fee noong nakaraang taon.
“Tandaan natin ang ilan nating kababayang OFW na kailangan pang humingi ng refund dahil sa maling pagkolekta sa kanila ng terminal fee noong isang taon. Patuloy tayong mananawagan ng maayos na serbisyo sa ating mga airport. Dapat maramdaman ito ng ating mga kababayan sa kanilang pagbiyahe,” panawagan pa ni Poe.
352