‘EVIL ADMINISTRATION’ WAKASAN NA – QUIBOLOY

(JESSE KABEL RUIZ)

MISTULANG nanawagan kahapon ng pag-aalsa si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy nang sabihing buksan ng mamamayan ang mga mata at magkaisang alisin ang ‘evil administration’ ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Bukod dito, inakusahan ni Quiboloy ang gobyerno ng Amerika at Pilipinas na nagsasabwatan para siya ay dukutin o likidahin kung may pagkakataon kaugnay sa mga akusasyong kinahaharap niya sa United States.

“Ang kanila daw pong gagawin, ng CIA, ng FBI, ng US Embassy, at State Department, kasabwat ng ating gobyerno, ng Pangulong Marcos, at ng First Lady, at kung sino pa man ang nasa gobyerno, ay rendition ang kanilang gagawin,” ayon sa inilabas na pahayag sa social media ni Quiboloy.

Wala umanong magaganap na extradition at sa halip ay rendition ang gagawin ng US authorities sa pakikipagsabwatan sa Philippine government, at puwersahan siyang dudukutin.

“Ang rendition, ang ibig sabihin po, anomang oras pwede nilang pasukin ang aking compound at ako ay kidnapin. It’s not only rendition, but also elimination. If it is not… if possible, pwede nila akong i-assassinate,” ani Quiboloy.

Tahasan naman itong itinanggi ng U.S. Embassy sa Pilipinas.

Ang rendition ay ginagawa kapag ang isang suspek ay mayroong outstanding arrest warrant at pwersahang dudukutin mula sa isang estado.

Ayon kay U.S. Embassy Spokesperson Kanishka Gangopadhyay, ” “For more than a decade, Apollo Quiboloy engaged in serious human rights abuses, including a pattern of systemic and pervasive rape of girls as young as 11 years old, and is currently on the FBI’s Most Wanted List… We are confident that Quiboloy will face justice for his heinous crimes. Questions about legal proceedings should be directed to the U.S. Department of Justice.”

Sa 37 minutong audio message, sinabi ni Quiboloy na nalaman niya mula sa isang reliable source na target ng US government kabilang ang Central Intelligence Agency (CIA) at Federal Bureau of Investigation (FBI), na magsagawa ng rendition laban sa kanya sa halip na extradition.

Inakusahan din ni Quiboloy ang Amerika na nag-alok ng $2 milyon o katumbas ng P100 million na patong sa kanyang ulo.

Sinu-surveillance na rin umano siya at iniikutan ng drones ang kanyang 11 compound kaya hindi sila makatulog dahil sa takot.

Pinabulaanan na ng Amerika ang sinasabing $2M na reward sa ikadarakip ng nagpapakilalang ‘son of god’.

111

Related posts

Leave a Comment