EXCISE TAX SA PLASTIC BAG ISINUSULONG SA KAMARA

PLASTIC BAG

(Ni ABBY MENDOZA)

Uso na ngayon ang excise tax o dagdag buwis sa isang produkto.

Pagkatapos ng P2 karagdagang buwis sa mga produktong petrolyo, isinusulong naman ngayon sa Kamara de Representantes ni Sultan Kudarat Rep Horacio Suansing ang pagpapataw ng P10 excise tax sa bawat plastic bag na ginagamit sa mga supermarkets, malls, shops, sales outlets at iba pang kahalintulad na business establishment.

Layunin  ng House Bill 8523 o Plastic Bag Tax Act ni  Suansing na malimitahan na ang paggamit ng plastic, kaya naisipan niyang ihain ang panukala na ipataw ang dagdag na P10 excise tax sa plastic bags na ginagamit na lalagyan ng mga nabiling produkto ng mga mamimili.

Inilinaw sa HB 8523 na tanging mga establisyimento na may gross receipts na lagpas sa P100,000 o mga bagong tayong negosyo na may capital na hindi bababa sa P100,000 nakatuon ang kanyang panukalang batas.

Hindi kasali rito ang ilang produkto o pagkain na ang ‘original packaging’ ay plastic katulad ng isda, karne, poultry products, gulay, prutas, confectionery, dairy products, ice at mga lutong pagkain.

Ayon kay Suansing, makatutulong ang dagdag na excise tax sa plastic bags para maiwasan ang paggamit nito na lubhang nakasisira sa kapaligiran at kalusugan ng mga tao.

Maraming lungsod at bayan sa bansa na mayroong mga umiiral na ordinansa na nag-uutos sa mga business establishment na platic bag ang gamitin.

Kaya, bawal ang papel na gamitin dahil labag ito sa ordinansa ng mga pamahalaang lokal.

Batay sa HB 8523, ang kita na makokolekta rito ay magiging pondo sa mga programa at proyekto ng pamahalaan, partikular iyong patungkol sa paglaban sa epekto ng paggamit ng plastic bag.

129

Related posts

Leave a Comment