DISMAYADO si Bureau of Corrections (BuCor) chief Director General Nicanor Faeldon sa kawalan ng kooperasyon ng mga sinasabing ‘pinuno’ ng mga preso sa pananatili ng kaayusan sa bilibid dahilan para suspendihin nito ang lahat ng pribilehiyo ng mahigit sa 45,000 inmates sa buong bansa.
Ito ay matapos matuklasang patuloy ang drug transactions sa loob ng piitan partikular sa New Bilibid Prisons.
Sinabi ni Faeldon na kabilang ang pagbisita at recreational activities gaya ng paglalaro ng basketball ang hindi na ipinatutupad sa piitan.
Ito rin ang kauna-unahang pagkakataon na nagpalabas ng ganitong klase kautusan ang isang hepe ng BuCor epektibo sa buong bansa.
Inaasahan din umanong babatikusin si Faeldon higit ng mga pamilya at maging ng mga preso.
Ayon kay Faeldon, dismayado siya dahil nakipagpulong pa umano siya sa mga lider ng mga preso na makiisa ngunit sa halip ay binalewala ito at nagpatuloy sa kanilang aktibidad.
“So ‘yung initially na 100 percent na usapang maginoo eh bumababa nang bumababa kasi hindi naman sila seryoso sa pagtulong na i-police because we asked them to police their ranks,” sabi ni Faeldon.
Nabuking ang transaksiyon ng nakapiit na si Rustico Ygot, na nakapagsasagawa ng bentahan sa Cebu gamit ang internet connection. Nadiskubre rin ang mobile phone nito dahilan para ilipat sa preventive cell para sa monitoring.
136