Farmgate price ang kontrolin MEAT VENDORS PUMALAG SA PRICE FREEZE

PINALAGAN ng ilang meat vendor ang planong price freeze na ilalabas ni Pangulong Duterte upang maawat ang patuloy na pagmahal ng presyo ng karneng baboy at manok.
Para sa mga meat vendor, hindi umano nila ito kakayaning sundan.

“Ang tanong ko lang po sino ang ipa-price freeze? Kaming vendors? Parang hindi po tama na kami ang i-price freeze nila kasi kami po ay sumusunod lang sa takbo ng produkto. Wala ho kaming power na itaas ang kalakal namin sa kagustuhan namin,” ani Ricky Delgado, pork dealer sa Quinta Market sa Maynila.

Sang-ayon din dito ang chicken dealer sa nasabing palengke na si Ed Guinto, na nanawagang ibaba ang farmgate price ng manok lalo’t ito aniya ang batayan nila sa pagpataw ng presyo.

Nasa P80 hanggang P100 ang dapat na farmgate price ng manok. Sa ngayon, ayon kay Guinto, umaabot ito ng P135.

Kaugnay nito, anomang araw ay magtatakda ng price cap si Duterte base sa kahilingan ng Department of Agriculture.

“It’s, I think, forthcoming. Pero hindi ko pa po nakikita ang pirmadong EO (executive order),” ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque.
Nauna ring, kinumpirma ni DA Undersecretary Noel Reyes ang hirit kay Pangulong Duterte.

“Mag-aano na ng price freeze at ‘yun may penalty na ‘yon. So kailangang presidente ang mag-impose. May rekomendasyon na sa Malacañang may mas ngipin yong price freeze kaysa SRP dapat ang presidente pumirma noon,” ani Reyes.

Ayon pa kay Reyes, sisiguruhin nilang ibaba ang farmgate price. (CHRISTIAN DALE)

96

Related posts

Leave a Comment