(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
MATAPOS ang mahabang pananahimik, inalmahan ni former Executive Secretary Vic Rodriguez ang aniya’y demolition job na ikinasa ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) laban sa kanya bunsod ng naunsyaming pangarap na makontrol ang tatlong ahensya ng pamahalaan.
Sa isang panayam sa telebisyon, hayagang ibinunyag ni Rodriguez ang ibinasura niyang “wishlist” kung saan di umano nakatala ang mga tanggapan ng pamahalaan na kailangan ilaan sa partido.
“I could not grant every request coming from the political party because of the proper vetting procedures to be undertaken. I received a wish list indicating what position some members wanted to get.”
Sa kanyang pakiwari, lubhang nagdamdam ang PFP dahil hindi niya pinagbigyan ang kahilingan ng nasabing partido na ilaan sa kanila ang mga pwesto sa Commission on Elections (Comelec), Commission on Audit (COA) at Civil Service Commission (CSC).
Paniwala pa ng abogadong nagsilbing tagapagsalita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa loob ng mahabang panahon, ang kanyang pagtangging magpagamit ang nagtulak sa PFP para sibakin siya sa partido at hiyain sa mata ng publiko.
Gayunpaman, hindi naman aniya siya apektado, at lalong hindi naman umano kawalan sa kanyang pagkatao ang naturang partido.
Para kay Rodriguez, nagmamalinis lang ang PFP sa gitna ng napipintong rigodon pagsapit ng buwan ng Enero.
Paliwanag pa niya, lubhang nagdamdam ang PFP dahil hindi niya pinagbigyan ang kahilingan ng nasabing partido na ilaan sa kanila ang mga pwesto sa nabanggit na mga ahensya.
Nang tanungin hinggil sa paratang na disloyalty ng PFP laban sa kanya, ito ang naging tugon ni Rodriguez – “If they have equated the term disloyal sa hindi agad-agad na pag-appoint sa kanino man dahil lang siya ay miyembro ng Partido Federal, aaminin ko, tatanggapin ko na ako ay disloyal. Because governance doesn’t work that way.”
Sa kalatas ng PFP, nagpasya umano ang partido na patalsikin si Rodriguez sa pagiging miyembro at executive vice-president dahil sa pagharang umano nito sa “appointment” ng kanilang mga miyembro.
“Rodriguez was supposed to be our champion in the appointments process, placed by the president in the selection committee to protect the interests of his party mates. Unfortunately, the respondent put the PFP down,” saad sa dokumentong ipinrisinta ng PFP sa mga mamamahayag.
“Our names did not make the president’s ‘short list,’ thanks to the respondent.”
Tugon naman ni Rodriguez, hindi wastong gamitin ng PFP bilang tsapa ang pagiging miyembro niya at ni Pangulong Marcos para masungkit ang kursunadang pwesto sa pamahalaan.
“I’m not the only one who’s making decisions. Lagi naming reference ‘yung 31.6 million Filipinos dahil napakataas ng expectations. We have to be very, very careful in choosing the people that we’ll be putting in those very sensitive posts,” dagdag pa ni Rodriguez.
Wala rin aniya siyang planong magpaalipin sa PFP – “Wala namang problema sa’kin whether nag-resign ako, tinanggal niyo ako. Hindi kawalan para sa’kin.”
“My loyalty to the party ends where my loyalty to my country begins,” pahabol pa niya.
