HINDI napigilan ng dating Law Dean na si Rico Quicho na kwestyunin ang ginawang pagbasura ng National Prosecutor Service (NPS) ng Department of Justice (DOJ) sa reklamo laban kay Senador Aquilino ‘Koko’ Pimentel III kaugnay ng umano’y quarantine breach noong nakaraang taon.
Sa pamamagitan ng Facebook, agad naghayag ng mahabang saloobin ang abogado at binigyang diin ang tila pagkakaroon aniya ng double standard sa pagpapatupad ng batas kaugnay sa pinaiiral na quarantine protocols.
Bahagi ng post ni Atty. Rico Quicho ay nagsasaad na: “Is there a different set of rules for Mr. Koko Pimentel, the powerful and the privileged, and a different set for the fish vendor, the weak, the forgotten and the ‘unimportant’?”
Matatandaang ikinagalit ng publiko ang marahas na pag-aresto ng mga tauhan ng Quezon City LGU sa isang fish vendor na pinagpapalo, kinaladkad at hiniya sa publiko dahil sa pagiging quarantine violator.
Sa kasalukuyan ay libong violators na ang inaresto ng pulisya dahil sa iba’t ibang paglabag sa mga pinaiiral na health protocols.
Nauna nang naabswelto sa kaparehong reklamo si Senador Manny Pacquiao na pangulo ng PDP-Laban.
Pinawalang-sala ng NPS si Pimentel dahil hindi naman ito “public health authority” at hindi ito “obligadong mag-ulat” ng kanyang medical condition hinggil sa posibleng pagkakaroon niya ng COVID-19.
Ayon kay Prosecutor Honey Delgado, dahil sa nabanggit na mga rason ay walang nilabag na probisyon ng Republic Act 11332 si Pimentel.
Pinaimbestigahan ni Justice Secretary Menardo Guevarra sa National Bureau of Investigation (NBI) si Pimentel makaraang ireklamo ito ni Atty. Quicho dahil sinamahan nito sa Makati Medical Center (MMC) ang maybahay na nakatakda noong manganak gayung dapat ay naka-home quarantine siya habang hinihintay ang resulta ng kanyang COVID-19 test.
Matatandaang si Pacquiao ay inabsuwelto rin ng Philippine National Police (PNP) makaraang magtalumpati ang senador sa harapan ng mga taong magkakadikit, maraming walang face at marami ring walang face shield sa Batangas.
Ikatlo naman si Pimentel sa mga maka-administrasyong Duterte na napawalang sala sa paglabag sa Anti-covid law.
Ang isa pa ay ang tagapagsalita ni Duterte na si Atty. Harry Roque Jr. na inabsuwelto rin ng PNP dahil hindi rin niya kasalanan nang magkakatabing nag-umpukan ang mga residente sa Bantayan, Cebu habang pinanonood at pinakikinggan ang opisyal. (May dagdag na ulat si NELSON S. BADILLA)
