(BERNARD TAGUINOD)
ITINUTURING ng isang mambabatas na “forum shopping” ang ginagawa ng liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa kagustuhang magtagumpay na amyendahan ang Saligang Batas at alisin ang balakid sa walang katapusang kapangyarihan.
Ginawa ni Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel ang pahayag matapos maipasa ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang Resolution of Both Houses (RBH) No. 7 o economic Cha-cha na para sa mambabatas ay fourth mode sa Charter amendments.
“Tingin natin forum shopping ang nangyayari,” ani Manuel dahil noong nakaraang taon ay inaprubahan aniya ng Kamara ang panukalang magpatawag ng Constitutional Convention (Con-Con) subalit tinabla ng Senado.
Dahil dito, ikinasa ng liderato ng Kamara ang People’s Initiative (PI) subalit tulad ng Con-Con ay hindi kinagat ng Senado kaya ipinilit umano ng congressmen ang “fourth mode” nang ipasa ang eco Cha-cha na mag-isa.
Sa ilalim ng Saligang Batas, tatlong paraan lamang puwedeng amyendahan ang Saligang Batas na kinabibilangan ng Con-Con, PI at Constituent Assembly (ConAss) kung saan magko-convene ang dalawang Kapulungan ng Kongreso para aprubahan ang mga probisyon na nais baguhin.
“Sa fourth mode na tinatahak tingin natin sinadya na hanggang sa huli hindi ito inamyendahan para maging silent ang pag boto jointly man or separate, kasi last card ng Kamara ay pwede na nilang puwersahin ito at i-interpret na yung pagpasa kahapon ng RBH7 ay pag-apruba na ng buong Kongreso kahit hindi na kasama ang Senado,” paliwanag pa ni Manuel.
Gayunpaman, patuloy na itinatanggi ng liderato ng Kamara na ilegal ang kanilang ginawa at sa halip ay ipinagmalaki ng mga ito na suportado sila ng taumbayan.
141