1 PATAY, 12 SUGATAN SA SALPUKAN NG MOTOR AT TRIKE

QUEZON – Isa ang patay habang 12 ang sugatan matapos na magsalpukan ang isang tricycle at motorsiklo na kapwa minamaneho ng dalawang menor de edad, sa barangay road sa Sitio Baginbagin, Brgy. Pakiing, sa bayan ng Mulanay sa lalawigan noong Sabado ng hapon.

Ayon sa report ng Mulanay Police, dakong ala-1:30 ng hapon nang mangyari ang insidente habang paahon sa barangay road ang topdown tricycle na sinasakyan ng 11 magkakapamilya at minamaneho ng isa rin nilang kaanak na si Jerwin Benitez Paz, 14-anyos, nang makasalpukan nito ang pababa namang motorsiklo na minamaneho ng 15-anyos na si Mark Quijano Dela Cruz.

Sa lakas ng pagkakasalpok, umatras at gumulong pababa ang top down tricycle na nagresulta sa pagkakasugat ng lahat ng mga sakay nito na kinabibilangan ng limang bata na may mga edad na 3-anyos, dalawang 4-anyos, isang 7-anyos at isang 12-anyos na pawang may apelyidong Paz.

Idineklara naman ng mga emergency responder ng Mulanay, na dead on the spot ang isa pang bata na si Clarevin Joy Paz.

Isinugod sa ospital ang 10 sugatan at ang dalawang nagmamaneho sa nagsalpukang sasakyan.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente.

(NILOU DEL CARMEN)

51

Related posts

Leave a Comment