FREE TUITION SA LAHAT NG 118 LUCs IGINIIT

(NI NOEL ABUEL)

NANAWAGAN  si Senador Win Gatchalian sa Commission on Higher Education (CHED) na gawing libre ang kolehiyo sa lahat ng 118 local universities and colleges o LUCs sa bansa.

Ayon sa senador, mahalaga ang hakbang na ito upang makinabang ang mas maraming mag-aaral sa Universal Access to Quality Tertiary Education Act of 2017 o Republic Act 10931 na naglalayong magbigay ng libreng dekalidad na edukasyon sa kolehiyo.

Magugunitang kamakailan lamang ay nilagdaan ng CHED ang isang kasunduan kasama ang Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education o UniFast at ang 27 LUCs para madagdagan pa ang bilang ng mga estudyanteng nasa kolehiyo na mabigyan ng libreng matrikula para sa school year 2019-2021.

Maliban aniya sa 27, may nauna nang 76 na LUCs na kasalukuyang nagbibigay na ng libreng matrikula simula nang maisabatas ang ‘free tuition’ noong 2017.

Bukod sa sa libreng matrikula, maaari na ring magbigay ang mga LUCs na ito ng tulong pinansyal sa mga nangangailangang mga mag-aaral. Sa ilalim ng batas, kailangang sumunod ang mga LUCs sa mga pamantayan ng CHEd upang makapag-alok ang mga ito ng libreng kolehiyo.

Ayon kay Gatchalian, kailangang tulungan at himukin ng CHED ang nalalabing labing-limang (15) LUCs na sundin ang mga panuntunan nito.

“Mahalaga ang papel ng mga lokal na pamantasan at mga kolehiyo upang gawing abot-kaya ang dekalidad na edukasyon. Kung masisiguro natin na may kakayahan ang lahat ng mga paaralang ito na magbigay ng libreng edukasyon, mas marami tayong matutulungan na mga kabataan sa iba’t ibang panig ng bansa na makapagtapos at magkaroon ng maayos na kinabukasan” ani Gatchalian, na isa sa mga may akda at sponsor ng free tuition law.

Saklaw rin ng naturang batas ang lahat ng State Universities and Colleges (SUCs) at technical vocational schools sa ilalim ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

166

Related posts

Leave a Comment