MAHINA ang kampanya ng Quezon City Police District (QCPD) sa pamumuno ni Director, Police Brigadier General Ronnie S. Montejo laban sa mga ilegal na gawain sa lungsod.
Ito ang puna ng ilang residenteng nakapanayam ng Saksi Ngayon dahil patuloy umanong nakapag-o-operate ang mga ilegal na gawain sa lungsod ng Quezon.
Sa pag-upo ni Montejo, bilang acting QCPD Director kapalit ni BGen. Joselito Equivel noong Setyembre 2019, sinabi niyang walang puwang sa kanya ang mga pulis na nasasangkot sa mga katiwalian.
Kaya naman sa simula ng kanyang pag-upo ay masigasig ang kampanya ni Montejo laban sa lahat ng ilegal na gawain, subalit makalipas ang ilang buwan hanggang sa kasalukuyan ay tila nag-lie low na umano ito.
Ito umano ang dahilan kaya’t wala nang naitatalang malaking accomplishment ang QCPD partikular ang kampanya nila laban sa ilegal na droga.
Ang Quezon City ang nakapagtala ng pinakamaraming residenteng gumagamit ng ipinagbabawal na droga sa buong bansa na umabot ng mahigit 8,000 katao noong 2018 at patuloy na dumarami sa kasalukuyan.
Sa QCPD rin nagmula ang mga tinaguriang ‘ninja cops’ na nagre-recycle ng ilegal na droga para muling maibenta at ‘pantanim’ sa kanilang mga nahuhuli sa anti-illegal drugs operations.
Matatandaan na kamakailan ay isiniwalat ni Philippine Drugs Enforcement Agency Chief Gen. Aaron Aquino na nananatili ang recycling ng shabu na kinasasangkutan ng mga tiwaling kagawad ng pulisya.
Ang isyung ito ng recycling ng shabu ang naging dahilan kaya napaaga ang retirement ni dating PNP Chief Gen. Oscar Albayalde.
Bukod sa talamak pa rin umano ang ilegal na droga sa Quezon City, naglipana rin ang mga ilegal na pasugalan tulad ng peryahan, video karera at iba pang uri ng sugal.
Nagkalat din ang mga pick-up girl sa tapat mismo ng simbahan sa Novaliches na ilang metro lamang ang layo sa Novaliches Police Station 4.
Nagsimula na ring magbalikan ang mga vendor sa mga kalye ng Novaliches at footbridge sa panulukan ng West Avenue at EDSA, maging sa Cubao-Aurora area, pawang sa Quezon City.
Wala na rin umanong makitang pulis na nagroronda partikular sa gabi sa iba’t ibang lugar na nasasakupan ng QCPD.
Samantala, isang alyas ‘Jess’ umano ang umiikot sa mga pasugalan at bahay-aliwan sa Quezon City na ginagamit ang tanggapan ni QCPD Director Montejo.
Si alyas Jess ay nagpapakilala umanong bagman ng opisina ni Montejo.
Kamakailan ay nagpalabas ng kautusan si PNP Chief Gen. Archie Gamboa sa labing pitong (17) Police Regional Office Directors at pinuno ng PNP Criminal Investigation and Detection Group na mahigpit na ipatupad ang ‘no-take policy’ sa lahat ng ilegal na sugal at iba pang ilegal na gawain.
Sa press conference noong nakaraang linggo ay muling binanggit ni Gamboa sa 17 regional directors at kanilang provincial directors ang kanyang ‘one-strike policy’ na magiging dahilan ng agarang pagkakasibak ng sinomang chief of police na makikitaan ng illegal gambling sa kanyang nasasakupan kasama ang video karera na ginagamit na prente ng illegal drugs
Kasunod nito, inanunsyo ni Gamboa ang pagbalasa sa 26 police officials, kasama ang isang district director at tatlong city commanders sa Metro Manila. Sinasabing dahilan dito ang pinaiiral na one-strike policy. JOEL O. AMONGO
224