Ginamit sa pagsabotahe kay Bongbong SMS BLASTING DEVICE BAWAL IBENTA – NTC

0

NAGBABALA ang National Telecommunication Commission (NTC) na mahigpit na ipinagbabawal ngayon ang pagbebenta o pag-angkat ng SMS Blasting Device na umano’y ginamit sa pananabotahe sa pambato ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) na si dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Inatasan din ng NTC ang Facebook, Lazada at Shopee na itigil ang pagbebenta online ng nasabing text blast device, lalo pa’t wala anila silang binibigyan ng pahintulot sa paggawa, pagbenta at pamamahagi ng nasabing makabagong gadget.

“The NTC has not authorized the importation, manufacture, sale/distribution, or type approval of the above-mentioned equipment,” saad ng abiso ng NTC.

Kasabay ng paglalabas ng cease-and-desist order sa tatlong nabanggit na e-commerce platforms, inatasan na rin ng NTC ang mga kinatawan ng mga nasabing online platforms na humarap sa komisyon sa Oktubre 27.

Ayon sa ahensya, ang pagbebenta ng SMS blaster machines at mga katulad na gamit ay maaaring paglabag sa Radio Control Law, gayundin sa NTC MO 01-02-2013 na nagbabawal sa portable cellular mobile repeater at portable cell site equipment.

Una nang sinabi ng NTC na iniimbestigahan na ang pagpapadala ng emergency text alert na naglalaman ng mensaheng mistulang nagsusulong sa kandidatura ni Marcos sa mismong araw ng kanyang paghahain ng kandidatura para pangulo sa nalalapit ng 2022 general elections.

Giit ng kampo ng pambato ng PFP sa pagkapangulo, malinaw na pananabotahe ang pakay ng text alerts at wala silang kinalaman dito.

Nanawagan na rin si Marcos para sa isang malalimang imbestigasyon kaugnay ng pananabotahe sa kanya.

Bukod sa NTC, hindi rin dapat umano palagpasin ng Commission on Elections (Comelec) at Department of Information and Communications (DICT) ang hayagang pagbalewala sa layunin ng text blast messaging services na dapat sana’y ginagamit lamang para magpalabas ng babala kaugnay ng isang kalamidad o delubyo. (JESSE KABEL)

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment