(NI BERNARD TAGUINOD)
GA-GRADUWEYT na bilang mga mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongeso ang may 73 congressmen/woman sa pangunguna ni House Speaker Gloria Macapagal Arroyo.
Sa huling araw ng session ng 17th Congress ngayong Martes, Hunyo 04, pangungunahan ni Arroyo ang mga kapwa niya third termer congresswoman, congressmen na nakatapos ng tatlong termino.
Magkakaroon ng seremonya sa plenaryo ng Kamara para pagkilala sa mga graduating member ng Kapulungan na nakatapos ng tuluy-tuloy na tatlong termino.
Ang mga kongresista ay binigyan lamang ng tatlong termino o maaaring tumakbo ng tatlong beses sa kanilang distrito na may 3 taon kada termino kaya umaabot ng 9 taong manatili ang mga ito sa Kongreso.
Tulad ng 66 iba pang graduating solons, hindi na muling nakatakbo si Arroyo sa kanyang distrito sa Pampanga dahil sa umiiral na term limit.
Unang tumakbo bilang kinatawan ng ikalawang distrito ng Pampanga noong 2010 election nang matapos ang kanyang termino bilang Pangulo ng bansa subalit agad na nakulong dahil sa kasong election sabotage at plunder case na isinampa ng gobyerno ni dating pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.
Habang nasa kulungan ay muling tumakbo si Arroyo para sa ikalawang termino noong 2013 election at maging noong 2016 para sa ikatlo at huling termino bilang kinatawan ng ikalawang distrito ng Pampanga at nanalo.
Kalaunan ay ibinasura ang kasong election sabotage na isinampa laban kay Arroyo at maging ang plunder case kaugnay ng umano’y ilegal na paggamit sa pondo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ay pinawalang sala siya ng Korte Suprema.
Noong Hulyo 2018, pinalitan ni Arroyo bilang speaker si dating House Speaker Pantaleon Alvarez at naging kauna-unahang babaing mambabatas na namuno sa Kamara.
Kabilang sa mga kilalang mambabatas na gagraduate ay sina Ilocos Norte Rep. Imelda Marcos, Ilocos Norte Rep. Rodolfo Farinas, Marikina Rep. Miro Quimbo, CIBAC party-list Sherwin Tugna, Navotas Rep. Toby Tiangco, ACT party-list Rep. Antonio Tinio, Gabriela party-list Rep Emmi de Jesus at iba pa.
144