GORDON: RECORD NG MGA PRESO GAWING COMPUTERIZED

gordon12

(NI DANG SAMSON-GARCIA)

INIREKOMENDA ni Senador Richard Gordon na gawin nang digital ang record ng mga preso para matiyak ang tamang mga impormasyon sa panahon ng kanilang pananatili sa kulungan.

Ito ay kasunod ng naging isyu sa posibleng pagpapalaya kay dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez bunsod ng implementasyon ng Republic Act No. 10592 o Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law.

“There shall be full automation of prison records. It is important that their time served and their good conduct time allowance are properly documented and accounted. Wala dapat dayaan diyan na kapag malakas ka sa warden, makalilibre ka” giit ni Gordon.

Binigyang-diin ni Gordon na nakasaad sa Implementing Rules and Regulations (IRR) ng RA 10592 ang computer-generated o automated template ng mga record ng Bureau of Corrections (Bucor) at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) upang mamonitor ang progreso ng mga preso.

Iginiit din ng senador na dapat maging transparent ang computation upang hindi mahahaluan ng anumang pagdududa.

Samantala, isinusulong ni Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III na amyendahan ang RA 10592 upang alisin sa maaaring saklawin ng batas ang mga convicted sa heinous crimes.

“Ang gusto ko muna heinous crimes exempted yun, basta classified na heinous crime, hindi ka qualified dito ganun agad. Ngayon kung maiipit tayo, ibahin  pa rin natin ang computation, hindi pwedeng ganun,” saad ni Sotto.

“Pag sinunod mo dun ang nasentensyahan ng 6-12 years, baka 2-3 taon lang makakalabas na. So kailangan ayusin nating mabuti ang computation para sa mabibigat na krimen, wag ganun. Siguro after 10 years dun pa lang mag-uumpisa kung good behavior sya,” dagdag nito.

 

82

Related posts

Leave a Comment