(Ni LILIBETH JULIAN)
BAWAL nang bumili ang mga ahensya ng gobyerno ng mga mamahaling service vehicle batay sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Nabatid ng Saksi Ngayon Newsbreak online na nilagdaan ni Duterte ang Administrative Order No. 14 nitong Disyembre 10 na nagtatakda ng centralized procurement system upang mabawa-san ang pagiging gastador ng mga opisyal ng gobyeno.
Saklaw ng AO 14 ang lahat ng mga pangunahing ahensya ng ehekutibo sangay ng pamahalaan, kasama ang Government-Owned and Controlled Corporations (GOCCs), Government Financial Institutions (GFIs), State Universities and Colleges (SUCs) at Local Government Units (LGUs).
Dahil sa AO 14, mahigpit na inatasan ni Duterte ang mga opisyal ng iba’t ibang ahensya ng ehekutibong sangay na ng pamahalaan na piliin ang pinaka-episyente, mura, matipid sa langis at environment-friendly na mga sasakyang bibilhin nila.
Mahigpit din ipinaalala ng pangulo na bawal ang pagbili ng mga luxury vehicle, gaya ng Asian Utility Vehicles (AUVs), Cross-Over Utility Vehicles (CUVs) at Multi-Purpose Vehicles (MPVs).
Ayon sa pangulo, hindi naaangkop ang paggamit ng nasabing mga mamahaling sasakyan na gumagamit ng gasolina at krudo na ang makina ay lampas sa four cylinders.
Bawal din ang pagbili ng Sports Utility Vehicles (SUVs) na lampas sa 27000cc ang gamit na gasolina.
Ngunit, hindi kasali sa AO 14 ang presidente, bise presidente, mga donasyong sasakyan sa gobyerno, mga sasakyang ginagamit ng mga bumibisitang foreign dignitaries at lahat ng mga sasakyang nabili na mula sa pondo ng kasalukuyang official development assistance programs.
207