GRAB MAKIKINABANG SA PAG-ALIS SA MOTOR TAXIS

WALANG ibang makikinabang kapag tuluyang tinanggal sa lansangan ang mga motorcycle taxi kundi ang Grab dahil mawawalan ang mga ito ng kalaban o kakumpitensya.

Ito ang pahayag ni Marikina Rep. Estella Quimbo sa press conference ng minority bloc sa Kamara kahapon, Martes, kaya tutol ang mga ito na alisin ang mga motorcycle taxi sa mga lansangan.

“Pagdating sa TNVS (transport network vehicle service) isa lang talaga, so may virtual monopoly ang Grab,” ani Quimbo kaya nang dumating ang mga motorcycle taxi ay nagkaroon ng kalaban ang Grab.

Magugunita na nagrereklamo ang mga commuter ng Grab dahil sa mataas na singil ng mga ito lalo na sa mga lugar na alam nilang may trapik mula nang mawala ang kakumpitensya nilang UBER, ayon kay Quimbo.

Samantala, suportado umano ni Quimbo na hindi dapat isang kumpanya lang ang makakalaban ng Grab upang maging masigla ang kumpetisyon habang hindi pa naayos nang husto ang transport system ng bansa.

“Dapat maraming players (sa motorcycle taxis),” ani Quimbo upang hindi magkaroon ng monopolyo sa nasabing transport system.

Bukod sa Angkas ay nag-o-operate na rin ang JoyRide at Move It na ikinatuwa ng mga mambabatas dahil magkakaroon ng mas maraming opsyon ang mga commuter lalo na sa Metro Manila kung saan problema ang trapik. BERNARD TAGUINOD

161

Related posts

Leave a Comment