HALOS 1M 4Ps BENEFICIARIES BABAKLASIN SA LISTAHAN

(CHRISTIAN DALE)

AALISIN sa listahan ang kulang-kulang isang milyong beneficiaries ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Sinabi ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Erwin Tulfo, bahagi ito ng gagawing paglilinis ng departamento sa nasabing listahan.

Aniya, aabot ng tatlo hanggang apat na linggo ang gagawing paglilinis ng DSWD sa nabanggit na listahan, na mayroon aniyang 4.4 million beneficiaries.

“Wala pa akong exact figure pero initially ang sabi sa akin ay halos isang milyon ang aalisin natin sa listahan,” ayon kay Tulfo.

Ani Tulfo, ang bakanteng slots para sa conditional cash transfer program ay ibibigay sa mga bagong benepisaryo lalo pa’t maraming aplikante ang nasa “waiting list.”

Tinukoy ang survey na ginawa ng DSWD, sinabi nito na may 15 milyong katao ang “below the poverty line” sa bansa.

Nauna rito, inatasan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang ahensya na linisin ang listahan ng mga benepisyaryo sa gitna ng ulat na may ilang 4Ps beneficiaries ang “well-off” at ginagamit na lamang sa sugal ang cash assistance.

At para maipatupad ang kautusan ni Pangulong Marcos, sinabi ni Tulfo na magpapalabas siya ng “amnesty call” para sa mga unqualified beneficiaries na isuko ang kanilang accounts sa loob ng 30 o 60 araw o ipaghaharap ng kaso.

“Kasi parang estafa ‘yan kasi niloloko mo ang gobyerno,” anito.

61

Related posts

Leave a Comment