MGA OSPITAL PREPARADO SA ‘WEAK SURGE’ NG COVID-19

TINIYAK ng Private Hospital Association of the Philippines (PHAP) na may nakahanda na silang plano sakaling tumaas ang bilang ng mga isinusugod sa ospital dahil sa COVID-19.

Ayon kay Dr. Jose De Grano, pangulo ng PHAP, sa oras na tumaas ang COVID-19 admissions ay kukuha sila ng health workers na nakatuon para sa non-COVID patients upang agad madaluhan ang severe cases.

Ngunit may agam-agam si De Grano na maaaring mahirapan sila dahil kapos sila sa staff.

Nitong weekend, nakapagtala ang Department of Health ng karagdagang mahigit 2,000 kaso ng COVID-19 kaya’t umakyat na sa 13,818 ang active cases sa bansa.

Kaugnay nito, sinabi ng OCTA Research na malaki ang posibilidad na maranasan ang “weak surge” ng COVID 19 sa 2nd o 3rd week ng buwang kasalukuyan.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Infectious Disease Expert Dr. Rontgene Solante na nasa above 10 percent na ang positivity rate lalo na sa National Capital Region (NCR) at inaasahang magkakaroon pa ng uptick sa susunod na tatlo hanggang apat na linggo.

Sinabi nito na mataas ang naitalang hawaan at ito’y dahil na rin sa preseniya ng mga bagong variant na B.4 at B.5 base na rin sa nakita ng Philippine Genome Center.

Samantala, binigyang- diin ni Solante na mahalagang mapataas ang pagtuturok ng booster dose na ang mungkahi ng eksperto ay gawing mandatory.

Iyon ay dahil napag-iiwanan na aniya ang Pilipinas ng mga kapitbahay na mga bansa gaya ng Singapore, Vietnam at Malaysia na nasa higit 50% ang booster dose roll out kumpara sa 20% lamang sa Pilipinas. (CHRISTIAN DALE)

90

Related posts

Leave a Comment