‘HARASSMENT’ PERSONAL NA AALAMIN NI PANELO KAY ZHAO

zhao1

(NI BETH JULIAN)

PERSONAL na tatanungin ni Presidential Spokesperson Atty. Salvador Panelo kay Chinese Ambassador to the Philippines Zhao Jianhua kung totoong mga tauhan ng Chinese Coast Guard ang napaulat na sangkot sa panibagong pagtataboy umano sa ilang Pilipinong mangingisda sa Panatag Shoal.

Sa press briefing sa Malacanang, sinabi ni Panelo na mahalagang maliwanagan muna mula sa Chinese embassy kung talagang mga tauhan nila ang mga nasa Panatag Shoal, gayundin ang layunin ng pananatili ng mga ito sa lugar.

Sinabi ni Panelo na may tinatanggap din silang report na hindi naman mga Chinese Coast Guard o Navy ang naroroon kungdi mga Chinese militia.

May nauna nang abiso ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa mga mangingisda sa bahagi ng Masinloc, Zambales na iwasan na munang maglalalapit sa Panatag Shoal para makaiwas sa anumang tensyon.

Sa kabila nito, sinabi ni Panelo na hangga’t hindi nalilinaw ang isyung ito ay pinapayuhan nito ang mga Pinoy na mangingisda na ituloy lamang ang karaniwan na nilang ginagawa sa lugar o ang patuloy na pamamalakaya.

Gayunman, kung makapagdudulot ito ng panganib sa kanilang buhay o malalagay sila sa alanganin, ayon kay Panelo, ay makabubuting lumayo na lamang muna ang mga ito para iwas sa gulo.

Nag-courtesy call nitong Lunes ng hapon si Zhao kay Panelo.

Kaugnay nito, sinabi ni Panelo na mayroon nang isinampang diplomatic protest ang pamahalaan sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs (DFA) hinggil sa umano’y panibagong insidente ng harassmentsa mga mangingisdang Pinoy.

79

Related posts

Leave a Comment