(NI NOEL ABUEL)
NANINIWALA si Senador Panfilo Lacson na kontrolado ng mga Chinese mafia at mayayaman at maiimpluwensyang tao ang operasyon sa National Bilibid Prison (NBP).
Ayon sa senador, base sa impormasyon mula sa Philippine Drug Enforcement (PDEA), natukoy nito na karamihan sa mga nasabat nitong illegal drugs sa bansa ay nagtuturo sa loob ng NBP.
“’Yung mga high profile inmates naging napakamakapangyarihan at napakamayaman na sila halos ang nagpapatakbo ng kulungan, hindi na ang gobyerno. Kasi sila na ang nagpapatakbo e,” aniya.
“Nang tanungin natin ang PDEA, tanungin natin ang CIDG, tanungin natin ang mga pulis. Pag nag-interrogate sila, pag nag-imbestiga sila, ang turo sa loob kung saan nanggagaling ang pag-direct ng operations. Sila tinuturo lagi kasi ilang beses ko nakausap sa PDEA natin, si Gen Magalong noon, talagang basta malakihang operation at nasabat dito sa labas, all roads lead to BuCor,” paliwanag pa ni Lacson.
Kung pagbabasehan din aniya na sa loob ng NBP ay pawang ang mga Chinese drug lords ang nabigyan ng kubol, cell phone, laptop, at iba pa.
Suhestiyon pa ni Lacson, gamitin ang ginagawa ng Estados Unidos na kapag nahulihan ang isang drug lord na nakakulong at gumagamit ng cell phone ay pinapatawan ng dagdag na sentensya.
“Kung sinabi mong mga Chinese drug lords kasi binigyan ng kubol, binigyan ng cell phone at binigyan ng laptop, sila kaya nila mag-direct. Kung may technical na intervention na talagang outright hindi sila pwede, sa US pag nahulihan ka ng mobile phone, automatic dagdag sa sentensya,” sabi pa nito.
“Pero mas magandang sistema pagkanahuli sa akto, ipasa ang regulation, sa US puwede ‘yan. Pag nahulihan ka ng contraband item like cell phone, dagdag yata ng ilang taon sa sentensya. Automatic, wala nang court decision,” dagdag nito.
Sinabi pa ni Lacson na 80 porsiyento ng bawal na gamot ay nangyayari sa loob ng NBP.
152