KINAILANGAN pang kalampagin ng Quezon City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) sa kanilang late reporting ng covid cases ang House of Representatives bago ito ma-pressure at umamin na mayroong 98 confirmed cases ang Kamara mula pa noong Nobyembre 10.
Sa press release na inilabas ng tanggapan ni House Speaker Lord Allan Velasco ay inamin nitong mayroong 98 confirmed cases ang Kamara, ang mga ito ay base sa resulta ng kanilang isinagawang mass testing. Gayunpaman, hindi nito idinetalye kung ilan ang mga apektadong kawani at ilan ang mga mambabatas.
Ang 98 confirmed cases ay hindi naka-report sa QC-CESU na paglabag sa itinatakdang 24-oras na reporting ng covid cases kaya aminado ang virus surveillance unit ng lungsod na mahihirapan na sila ngayon sa gagawing contact tracing lalo na at lumipas na ang 20 araw.
Ayon kay QC-CESU Director Dr. Rolly Cruz, tanging 40 cases ang nasa kanilang listahan na pawang nagself-reporting, ang mga naireport na kaso na ito ang siyang dahilan kung bakit nila kinalampag at hiningan ng report ang Kamara dahil wala itong isinusumite sa tanggapan.
“Yung 40 cases na ito ay pawang nakatira sa mga barangay sa paligid ng Batasan Complex. Nang aming tanungin kung saan nila nakuha ang virus ay sagot nila, sa kanilang workplace sa Kamara.
Inaalam natin ngayon kung itong 40 cases na nasa aming listahan na mga kawani ay kasama na sa 98 cases na dineclare ngayon lang ng mababang kapulungan o hiwalay pa ito,” paliwanag ni Cruz.
Aniya, kanila na ring iimbestigahan kung saan at paano nakuha ng 98 confirmed cases ang virus kung ito ay pawang sa Kamara nakuha o sa ibang lugar at kung may batayan para ipasara pansamantala ang tanggapan.
Iginiit ni Cruz na dapat ay 24-oras lamang ay nai-report na ang covid cases para sa gagawing contact tracing, subalit sa kaso ng Kamara ay tumagal ito. Aniya, magsusumite sila ng report sa Department of Health (DOH) ukol sa kanilang magiging findings sa dahilan ng late reporting ng mababang kapulungan.
Ang 98 confirmed cases sa buwan ng Nobyembre ng Kamara ay hiwalay pa sa nauna nang 80 laso na naitala simula Marso 2020 kung saan 2 mambabatas at 3 empleyado ang nasawi.
Samantala, hindi naman nagpaliwanag ang Kamara ukol sa late reporting ng kanilang covid cases na nagresulta para maging huli na rin ang gagawing contact tracing.
Isinisi naman ng ilang kawani ng Kamara ang paglobo ng mga kaso sa hindi istriktong pagsunod sa quarantine protocol mismo ng House leaders.
Tinukoy ng mga ito sina Speaker Velasco, Deputy Speaker at 1Pacman Partylist Rep Mikee Romero at House Secretary-General Dong Mendoza na lumabag sa quarantine protocol nang patuloy pa ring pumasok ang mga ito sa Kamara sa kabila ng kanilang exposure sa covid positive na si TESDA Chair Isidro Lapeña.
Sinabi ni Romero na nagnegatibo sila sa test matapos ma-exposed kay Lapeña ngunit hindi naman ito sumailalim sa 14 day quarantine dahil nakita itong dumadalo sa mga hearing at courtesy call sa Kamara.
Minaliit din ng mga kawani ang ginawang mass testing dahil maliit na porsiyento lamang ito. Nasa 8,000 umano ang mga kawani ng Kamara ngunit 2,000 lang ang isinailalim sa pagsusuri.
