(NI BERNARD TAGUINOD)
MAMIMIGAY na rin ng bigas ang liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa kanilang mga empleyado upang matulungan ang mga magsasaka sa bansa na naapektuhan ng rice tariffication law.
Ito ang nabatid kay House Speaker Alan Peter Cayetano kasunod ng mga ulat na mamimigay na ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno ng bigas sa kanilang mga empleyado.
“Yes, we’re already studying that,” ani Cayetano.
“I just don’t know the details now kung part of our rice allowance sa House ay pwede or kung part of the bonuses and the allowances could be rice ang diretso,” dagdag pa ng mambabatas.
Magugunita na nagpasa ng Joint Resolution ang Kamara para gamitin sa pagbili ng palay ang P6.9 Billion na pondo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa rice subsidy ng mga beneficiaries ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.
Layon nito na mabili ng mas mahal na presyo ang palay ng mga magsasaka kumpara sa kasalukuyang presyuhan na P10 hanggang P14 lamang ang kada kilo. Gayunpaman, hindi sinabi ng mambabatas kung saan kukunin ang pondo para ipambili ng bigas na ipamamahagi sa mga empleyado ng Mababang Kapulungan.
193