(NI BERNARD TAGUINOD)
MAPADADALI na ang pagkakaroon ng sariling bahay ng mga public school teachers kapag naipasa ang isang panukalang batas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ukol dito.
Sa House Bill (HB) 3112 o Special Housing for Teachers Act na iniakda ni Manila Rep. John Marvin ‘Yul Servo’ Nieto, nais nito na mapadali ang pagkakaroon ng sariling bahay ng mga public school teacher na hindi pinahihirapan sa pagbabayad.
“This bill aims to provide our teachers with accessible and affordable special housing program. It proposes to provide an easy financing scheme to be made available to the teachers in order to further assist their acquisition of their homes,” ani Nieto sa kanyang panukala.
Sakaling maging batas ang nasabing panukala, maglalaan ang Government Service Insurance System (GSIS) at Home Development Mutual Funds ng tig-P1 Billion pondo sa unang taon ng implementasyon, para ipautang sa mga public school teacher na gustong magkaroon ng sariling bahay.
Lolobo pa ang pondong ito dahil maglalaan din ang national government ng karagdagang P1 Billion kada taon para sa nasabing programa.
Aaasistehan ng Department of Education (DepEd) ang kanilang mga guro na gustong magkaroon ng housing loan mula sa nasabing programa upang mapadali ang pagkakaon ng mga ito ng bahay.
Hindi lalagpas sa 12% per annum ang interes na babayaran ng mga public school teachers at upang hindi mahirapan ang mga ito sa pagbabayad ay ililibre na ang mga ito sa iba’t ibang bayarin tulad ng capital gains tax, documentary stamp tax, value added tax,, transfer tax at donor’s tax.
Hindi lamang para sa mga brand new units ang puwedeng utangin ng mga public school teachers, kundi para sa konstruksyon ng sariling bahay kapag may sariling lupa na ang mga ito.
213