IMBESTIGASYON SA SEA GAMES, TULOY! — PING

(NI NOEL ABUEL)

NGAYONG pormal nang natapos ang 30th Southeast Games ay maaari nang ituloy ang imbestigasyon kung nagkaroon ng korapsyon sa paghahanda sa palaro.

Sinabi ni Senador Panfilo Lacson na dapat matuloy ang imbestigasyon ng Senado upang tuluyang matapos ang usapin at mawala ang agam-agam na nahaluan ng anomalya ang biennial meet.

Kasabay nito, agad na nilinaw ni Lacson na walang kinalaman at hindi dapat na masangkot ang mga atleta.

“Dapat lang. Magkaiba ang mga atleta at ang organizing committee, ang PHISGOC. Kung ano man ang honors na ibinigay ng mga atleta, 149 golds, 287 lahat-lahat, walang kinalaman ang organizing committee doon,” ayon pa sa senador.

“Huwag nating ipaghalo na ang success ng mga atleta natin, utang na loob sa PHISGOC. Organizing council ang PHISGOC, sila ang nangasiwa sa pag-coordinate. Ngayon, kung ano ang kapalpakan ng PHISGOC kung totoo o hindi, dapat tingnan sa pamamagitan ng oversight na mandate ng Senate at HOR. Huwag natin paghaluin kung may corruption halimbawa man sa PHISGOC walang kinalaman ang atleta roon at walang kinalaman ‘yan kung bakit tayo napakarami gold medal,” paliwanag pa ni Lacson.

Kahit aniya nagsasagawa na ng sariling imbestigasyon ang Office of the Ombudsman ay tutuloy ang Senado sa imbestigasyon.

“Dati namin natin ginagawa. For all we know makatulong ang investigation ng Senado sa fact-finding investigation na ginagawa ng Ombudsman. Kasi may nangyari in the past na ‘yung proceeds o result ng investigation ng Senate nagamit ng Ombudsman o Sandiganbayan,” sabi pa nito.

Magugunitang kinuwestyon ng ilang senador ang paglilipat ng pondo ng Philippine Sports Commission (PSC) sa PHISGOC na isang pribadong foundation at ang kontrobersyal na ginastos sa cauldron.

252

Related posts

Leave a Comment