Imee: Para iwas-aberya sa botohan NUMERO NG PRESINTO NG MGA BOTANTE IBIGAY NA

NANGANGAMBA si Senadora Imee Marcos na maraming botante ang maaaring ma-disenfranchise sa nalalapit na 2022 elections dahil sa ipatutupad na COVID-19 protocols sa mga presinto.

Ayon kay Marcos, chairperson ng Senate Committee on Electoral Reforms and People’s Participation, nakukulangan pa rin sya sa ginawa ng Comelec na ‘simulation mock elections’ sa mga piling lugar sa bansa dahil sa naglitawang mga problema, lalo na sa pagboto, paghahanap ng pangalan at voting precinct ng botante, transmission ng boto dulot ng mahinang internet signal, at ang mahabang oras ng pagpila sa presinto.

Lumitaw din na nagsisiksikan o overcrowding ang mga botante sa mga presinto.

Dahil dito, iginiit ni Marcos sa Comelec na ipaalam na agad sa mga botante ang kanilang mga voting precinct at maglabas na ng mga patakaran sa kampanyahan kaugnay ng nalalapit na election campaign season para matiyak ang kaligtasan at iwas hawaan ng virus.

“I urge Comelec to issue guidelines asap on how to maintain safety for all during caravans, sorties, house to house, town hall meetings, etc.,” diin ni Marcos

Sa presentation ng Comelec, aabot sa 10 minuto at 47 segundo ang  “time and motion” o itatagal ng isang botante sa kanyang pagboto sa Mayo 9, 2022.

Kinuwestyon din ni Marcos ang Comelec sa magiging papel ng Department of Health(DOH) sa implementasyon ng health protocols sa bawat presinto.

“Ano nga ba talaga ang participation ng DOH, parang bitin ang imposition ng COVID-19 protocols? Dahil sa umpisa pa lang, nagka-ka-overcrowding, nagtitipon-tipon, nag-aantayan ang mga tao para umalis. So, what exactly was the participation of DOH  kasi yung inaasahan natin Deped, marshall, yung Barangay personnel. Kulang yata ang COVID protocols,” ayon pa kay Marcos.

Bukod dito, nababahala rin si Marcos sa lumabas na isyu sa Smartmatic at sa source code na umanoy maaaring makaapekto sa resulta ng halalan sa Mayo.

“Nakakanerbyos yata yun! Dapat maplantsa na agad ito ng Comelec at ng mga stakeholder para maiwasan ang pagkakagulo at dayaan sa halalan,” babala pa ni Marcos
Ikinalungkot rin ni Marcos ang pagkabigo ng Senado na maipasa ang Expanded Early Voting Bill  na kanyang inakda na umano’y magbibigay pagkakataon sa mga buntis, senior citizens at pwds na makaboto nang mas maaga para iwas din sa mahabang pila.

Bilang solusyon, iminungkahi ni Marcos sa Comelec na ipaalam na sa mga botante ang numero ng kanilang presinto sa botohan  sa pamamagitan ng social media platforms imbes na sa kartero lamang.

Inirekomenda ni Marcos sa Comelec na magsagawa muli ng isa pang ‘mock elections’ para makita kung naplantsa na ang mga naglitawang problemang teknikal sa naunang simulation exercises. (DANG SAMSON-GARCIA)

111

Related posts

Leave a Comment