(NI BERNARD TAGUINOD)
NAKADEPENDE kung sino ang magiging minority leader at kung gaano karami ang oposisyon sa 18th Congress ang kahihinatnan ng impeachment case na maaaring isampa laban kay Pangulong Rodrigo Duterte sa usapin sa West Philippine Sea.
Ito ang nabatid kay Akbayan party-list Rep. Tom Villarin dahil sa pahayag ni Duterte na pinapayagan nito ang mga Chinese na mangisda sa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas na isa aniyang paglabag sa Saligang Batas o culpable violation of the constitution.
Inayunan din ni Magdalo Rep. Gary Alejano na lalabagin ni Duterte ang Saligang Batas kapag tuluyan nitong pinayagan ang mga Chinese na mangisda sa West Philippine Sea na isa sa mga elemento ng Impeachment case.
“It will depend on the minority and the opposition in general,” ani Villarin kung may pag-asang ma-impeach si Duterte sa 18th Congress dahil numbers game ang laban na ito.
Sa 18th Congress ay 304 ang miyembro ng Kamara at dahil 1/3 votes ang kailangan para ma-impeach ang isang impeachable official tulad ng Pangulo, kailangan ang 102 votes sa usaping ito.
Sa nakaraang 17th Congress, nasampahan ng impeachment case si Duterte dahil din sa usapin sa West Philippine Sea at extrajudicial killings sa gitna ng anti-drug war subalit hindi ito nakausad dahil sa kakulangan ng suporta.
Tanging ang mga miyembro ng Magnificient 7 o pitong miyembro ng Kamara na hindi kasama sa majority at minority bloc ang nagsulong sa impeachment case laban kay Duterte na isinampa ng kanilang miyembro na si Alejano at hindi ito pinansin ng grupo ni out-going Minority Leader Danilo Suarez.
Dahil dito, sinabi ni Villarin na kung aabot ng mahigit 100 ang magiging miyembro ng oposisyon sa Kamara sa 18th Congress ay may posibilidad na mararating ang impeachment subalit malabo itong mangyari.
Nagtatagumpay lamang ang impeachment case aniya kapag tumalikod ang liderato ng Kamara sa Pangulo tulad noong panahon ni dating Pangulong Joseph Estrada na mismong si dating House Speaker Manny Villar ang nag-endorso sa article of impeachment sa Senado o Impeachment court sa plenaryo ng Kamara.
363