(NI BERNARD TAGUINOD)
BAKASYON grande ang mga manggagawa sa bansa kapag naipasa ang isang panukalang batas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso dahil dadagdagan ang anilang mga incentive leaves.
Sa House Bill (HB) 5181 na iniakda ni An Waray party-list Rep. Florencio Noel, nais nito na gayahin ang patakaran sa ibang bansa na binubusog ng mga employers ang kanilang mga empleyado ng bakasyon.
Ayon sa mambabatas, sa kasalukuyan ay 5 araw lamang ang Service Incentive Leaves (SIL) kada taon ang ibinibigay sa mga manggagawa sa bansa sa mga empleyado na isang taon nang nagsisilbi sa kanilang empleyado.
Malayong malayo umano sa Japan na 10 araw ang ibinibigay na SIL sa kanilang mga empleyado kahit 6 na buwan pa lamang ang mga ito na nagtatrabaho habang sa Autstralia aniya ay kahit ang mga part time worker ay mayroong isang buwang SIL.
“In Singapore, the Ministry of Manpower grants a seven day leave for employees who have rendered service of at least one (1) year,” paliwanag ni Noel sa panukala.
Dahil dito, nais ng mambabatas na amyendahan ang Labor Code sa bansa para magkaroon ng 5 araw na SIL ang mga empleyado kahit 6 na buwan pa lamang ang mga ito sa trabaho.
Maliban dito, 10 araw naman ang ibibigay na SIL sa mga empleyado na nakaisang taon na sa trabaho.
137