(NI BERNARD TAGUINOD)
NABABAHALA ang grupo ng mga kababaihan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso sa patuloy na pagdami ng mga rape case sa bansa kung saan isang babae o bata ang nagagahasa bawat 72 minuto o higit isang oras sa bansa noong nakaraang taon.
Ayon kay Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas, lumalabas na 20 babae o batang babae ang biktima ng rape kada araw base umano sa crime statistice mismo ng Philippine National Police (PNP).
“Despite the Duterte regime’s unrelenting campaign against drugs and criminals, rape statistics in the Philippines remains troubling, with one Filipina raped every 72 minutes, and thousands more sexually harassed especially in public places,” ani Brosas
Nabatid na base umano sa hawak nilang dokumento, 2,962 ang naitalang rape cases ng PNP sa unang limang buwan ng nagdaang taon o mula Enero hanggang Mayo 2018 subalit naniniwala ang lady solon na mas malaki pa ang bilang ng mga biktima ng rape dahil karamihang hindi narereport sa pulisya ang mga biktima.
Lumalabas din ng umaabot na sa 56 pulis ang nasangkot sa rape o sexual abuses, hindi lamang sa mga babae kundi sa mga bata simula noong maluklok sa kapangyarihan si Duterte noong 2016.
Isa sa mga dahilan na sinisisi ng gobyerno kung bakit maraming nagagahasang babae sa mga nakaraang taon ay dahil sa ilegal na droga kung saan ang mga suspek ay karaniwang lango sa bawal na gamot.
Gayunman, sa gitna umano ng matinding giyera kontra ilegal na droga at marami ng adik ang napapatay, patuloy pa rin umano ang pagdami ng mga biktima ng rape sa bansa kaya isinisi ng mambabatas ang bagay na ito kay Pangulong Rodrigo Duterte dahil ginagawa umano nitong biro ang rape.
Dahil dito, iginiit ni Brosas na kailangang palakasin pa ang anti-rape law sa bansa upang maresolba ang problemang ito at maligtas ang mga kababaihan sa kamay ng mga rapist.
180