TAAS-SINGIL SA KURYENTE NGAYONG MARSO

meralco1

(NI KEVIN COLLANTES/PHOTO BY RAFAEL TABOY)

MAY siyam na sentimong dagdag-singil sa kuryente kada kilowatt hour (kwh) ang Manila Electric Company (Meralco) ngayong buwan ng Marso.

Ayon kay Meralco spokespeson Joe Zaldarriaga, nangangahulugan ito na ang mga consumers na nakakagamit ng 200 kwh sa isang buwan ay magkakaroon ng P18 dagdag sa kanilang bayarin sa kuryente ngayong buwan, habang P26 naman ang dagdag sa mga tahanang nakakakonsumo ng 300 kwh; P36 para sa mga nakakagamit ng 400 kwh at P45 naman ang madadagdag sa bayarin ng mga consumers na nakakagamit ng 500 kwh kada buwan.

Anang Meralco, pababa sana ang generation charge ngunit dahil tapos na ang refund para sa sobrang nakolekta sa Universal Charge-Stranded Contract Costs na nasa 38 sentimo, ay tumaas pa rin ang singil sa kuryente.

Kaugnay nito, pinayuhan naman ng Meralco ang mga consumers na magtipid ng kuryente sa mga susunod na buwan o mula Marso hanggang kalahatian ng buwan ng Hunyo dahil sa inaasahang pagsipa ng konsumo ng kuryente bunsod nang pagsapit na ng summer season.

Inaasahan na rin umano nila na tataas din ang bayarin sa kuryente ng mga consumers sa mga nasabing buwan dahil sa paglakas ng kunsumo.

Aminado rin ang Meralco na mahirap ideklarang hindi magkakaroon ng power interruption sa kabuuan ng summer season dahil hindi naman umano nila hawak ang generation, transmission at demand surge ng consumers.

Gayunman, tiniyak nito na handa sila sakaling magkaproblema at nakakasa na rin anila ang interruptible load program (ILP) nila para bawas sa load ng kuryente.

Samantala, tiniyak naman ng Meralco na hindi magkakaroon ng kakapusan sa suplay ng kuryente sa midterm elections sa Mayo 13.

Nakikipagtulungan na aniya sila sa pamahalaan at iba pang industry players para masigurong magkakaroon ng higit pa sa sapat na suplay ng kuryente sa bansa sa panahon ng halalan.

 

106

Related posts

Leave a Comment