JAPANESE EX-PM BINARIL SA GITNA NG TALUMPATI

DUGUANG bumulagta ang dating Japanese Prime Minister na si Shinzo Abe matapos barilin habang nagtatalumpati sa Nara, Japan.

Walang malay na isinugod sa ospital ang dating lider at ayon sa inisyal na report mula sa ilang local media, nasa cardiopulmonary arrest o walang pulso si Abe.

Ayon sa Japanese Chief Cabinet Secretary Hirokazu Matsuno, binaril si Abe habang nagbibigay ng kanyang campaign speech sa isang kalsada sa Nara City dakong alas-11:30 ng umaga (10:30AM Phl time).

Si Abe ay nagbibigay ng kanyang pananalita bilang suporta sa LDP candidates kaugnay ng nakatakdang Upper House elections sa Linggo nang mangyari ang pamamaril.

Sa ulat naman ng public broadcaster na NHK, inilipat sa Nara Medical University si Abe at conscious naman ito habang inihahatid ng ambulansya.

Si Abe, 67, na dating Liberal Democratic Party (LDP) leader, ang itinuturing na longest-serving prime minister ng Japan na dalawang beses nagsilbi.

Una mula 2006 hanggang 2007 at nakabalik sa puwesto noong 2012 hanggang 2020, bago ito nag-resign dahil umano sa isyu ng kanyang kalusugan.

Mariin naman kinondena ni Matsuno ang naturang pangyayari.

Kaugnay nito, ikinagulat ni Department of Foreign Affairs (DFA) Sec. Enrique A. Manalo ang nangyaring trahedya kay dating Prime Minister Abe.

Hangad ng Malakanyang ay kaagad maka-recover ang dating lider.

Isang lalaki ang naka-detain na ngayon at sumasailalim sa imbestigasyon kaugnay ng nangyaring pamamaril. (CHRISTIAN DALE)

122

Related posts

Leave a Comment