(NI DANG SAMSON-GARCIA)
AMINADO si Senador Imee Marcos na kasalanan din ng kanilang pamilya kung may kakulangan sa kaalaman ngayon hinggil sa Martial Law.
Ang pag-amin ni Marcos ay kasunod ng kanyang pagpabor sa pagtuturo ng Martial Law sa University of the Philippines.
“Karapatan naman ng UP, yan may academic freedom naman talaga,” saad ni Marcos.
“Maganda rin na pinag-aaralan…At least sana bigyan din kami ng pagkakataon na sabihin kung ano ang pagkaalam namin sa nangyari. Importante dun na may view points ng bawat isa at maririnig ang bawat isa,” diin pa ng senador.
Sinabi ni Marcos na kulang ang impormasyon hinggil sa totoong pangyayari sa Martial Law dahil pinili ng kanilang pamilya na manahimik.
“Actually sa tingin ko, kasalanan din ng pamilya namin kasi naging tameme rin kami tinamad na kami magsalita hindi namin ibinabahagi ang alam namin. Hindi na kami naki-kwento kasi parang nakakapagod na,” paliwanag ni Marcos.
“But I think it’s not a good attitude to take, it is important to share what we know. What we have is personal knowledge, the experience, and the truth that we own and share it to the rest,” dagdag ng senador.
Naniniwala naman ang mambabatas na magiging patas ang UP sa pagtuturo ng naturang kasaysayan ng bansa.
“Inaasahan ko UP naman yan, hopefully hayaan nila magsalita ang lahat pero sabi ko nga kulang kami dyan, hindi kami nagsulat, hindi kami nagpa-interview, bitin talaga sa pagtatanggol sa sarili,” dagdag ni Marcos.
“Alam naman nila gawin yan, expert naman ang UPsa pagtuturo. Ayoko nakikialam eh,” diin pa nito.
155