(NI BERNARD TAGUINOD)
BABAHAY-BAHAYIN na o personal nang pupuntahan sa kani-kanilang bahay ng mga health professionals ang mga kabataan na nabuntis nang wala sa oras at walang asawa para asistehan ang mga ito at ang batang nasa sinapupunan.
Ito ay matapos aprubahan ng House Committee on Women and Gender Equality na pinamumunuan ni BH party-list Rep. Bernadette Herrera-Dy ang House Bill 5768 na naglalayong magkaroon ng “maternal and infant health home visiting program” ang Department of Health (DoH).
Ayon kay Cagayan de Oro City Rep. Maximo Rodriguez, Jr., may-akda sa nasabing panukala, personal nang pupuntahan ng mga health professionals ang mga kabataang ito para matulungan sa kanilang pagbubuntis.
Sinabi ng mambabatas na dahil sa kahirapan at hindi pa handa sa pagbubuntis, hindi nakakapagpacheck-up ang mga ito kaya nalalagay, hindi lamang ang kanilang sarili sa alanganing sitwasyon kundi ang batang dinadala ng mga ito sa kanilang sinapupunan.
Kailangang asistehan umano ng gobyerno ang mga kabataang ito at personal na silang pupuntahan sa kanilang bahay para sa prenatal at postnatal consultation upang mabawasan ang maternal at infant mortality.
Isasabay din ang counselling at tuturuan ang mga kabataang ito kung papaano alagaan ang kanilang mga anak at sarili at iba pa na pinagdadaanan ng mga karaniwang ina kapag nagbubuntis at nanganganak.
Layon din umano ng programang ito na maiwasan ang abortion o mapigilan ang mga kabataang ito na ipaglaglag ang bata sa kanilang sinapupunan.
189