(NI BERNARD TAGUINOD)
INIREKOMENDA na sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na military na ang magbantay sa National Bilibid Prison (NBP) matapos masira ang imahe ng Special Action Forces (SAF) dahil sa pagpupuslit ng ilang tauhan nito ng kontrabando upang ibenta sa mga mayayamang preso.
Sa press briefing nitong Martes, sinabi nina Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor at ACT-CIS party-list Rep. Eric Yap na hindi nila tututulan kung magdesisyon si Pangulong Rodrigo Duterte na isasailalim na sa kontrol ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang security sa bilibid.
“Temporary para masolve nila yan, ako I will not hesitate if the president would decide, I would support, kahit yung military ilagay dyan para magbantay temporarity just to fix the situation,” ani Defensor.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag matapos mabuko ang may 15 SAF members na nagpapasok ang mga ito ng alak, tabako, cellphones na ibebenta umano sa mga mayayamang preso sa mas mahal na presyo.
Ang SAF ang itinalagang bantay sa Bilibid matapos pagdudahan ang mga jailguards dahil hindi matigil ang mga anomalya sa loob ng kulungan tulad ng pagkakaroon ng cellphones ng mga drug convicts kaya patuloy ang mga ito sa kanilang ilegal na trabaho kahit nakakulong na ang mga ito.
Inayunan naman ni Yap ang pahayag ni Defensor subalit ikinatuwa nito na nahuli ang mga SAF members na ilegal na rumaraket sa Bilibid imbes na siguraduhing walang makakalusot na kontrabando.
261